Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Jayson Dominguez Duclan magaling na Igorot artist

0 176

Si Jayson Dominguez Duclan ay pinanganak sa La Trinidad, Benguet pero lumaki sa Baguio. Nag-aral ng elementarya sa Sagada at sa Quezon, Isabela nag-high school. Nag-college sa University of the Cordilleras. Hindi niya natapos ang degree nya sa Criminology dahil nag-decide siyang maging fulltime professional artist. Mas pinili niyang i-pursue ang passion niya sa arts.

Ang advocacy ni Jayson ay palaganapin at i-preserve ang arts and culture lalo na sa mas batang generation kaya very active siya sa mga art oriented outreach programs sa kanila.

Ang plano ni Jayson sa buhay ay gumuhit at magpinta lang nang magpinta dahil ito ang alam niyang purpose sa buhay; ang ilapat sa papel at canvas ang mga ideya, emosyon, at ang pangit at kagandahan ng mga bagay sa paligid ayon sa kanyang artistic na perspektibo.

Tulad ng karamihan sa mga artists magmula pagkabata ay nahilig na talaga sa arts. Nagsimula siya sa mga cartoon/anime characters na iguguhit sa kanyang sketchbooks at notebooks. Madalas siyang mapagalitan noon dahil instead na notes sa academics ang laman ng notebooks ay puro drawings. Ito ay paraan niya para mapansin ng mga taong nasa paligid niya, lalo na ng kanyang elementary at highschool days. Gusto niyang maranasan ang pakiramdam ng belongingness sa kanyang mga kaklase. Ang self-confidence niya ay napakababa at hindi niya alam kung paano makipag-communicate, pero dahil nakikita nila siyang nagdo-drawing, nilalapitan nila siya at kinakausap.

Mahirap ang naging sitwasyon ng kanyang pamilya simula ng pumanaw ang kanyang ama. Ang kanyang ina na ang nagpapalaki sa kanilang tatlong magkakapatid at siya ang panganay.

Ang pagguhit ay naging hobby niya hanggang college at wala siyang ideya na ito rin pala ang magiging propesyon niya.

Naging unang trabaho niya ay all-around worker sa isang bakery at naghahanap talaga siya ng oras upang magsanay sa pagguhit. Hanggang sinubukan niyang maghanap ng mga tao sa social media na may kaparehong interes sa arts. Sumali siya sa mga Facebook art groups at sa pamamagitan nito ay nagawa niyang makipagpalitan ng mga ideya sa mga kapwa artists/enthusiasts. Dito rin niya nalaman na ang arts ay isa rin palang propesyon. Hindi lang siya hobby ng mayayaman na tulad ng lagi niyang naririnig.

Sa na-discover niyang ito ay lalong lumakas ang loob niya na ipagpatuloy ang kanyang pangarap na maging fulltime artist. Lalo pa niyang pinag-igihan ang pag-eensayo, maging ang paggawa ng free portraits sa kanyang mga kakilala, sa layunin niyang maging propesyonal na pintor balang-araw. Ang naging struggle niya noon ay financial, emotional at mental dahil noon ay pinipili niyang malipasan ng gutom para lang makapag-laan ng budget ng pambili ng mga art materials pero nakakarinig pa rin siya ng mga negative feedback sa kanya mga artwork . Ngunit hindi ito naging hadlang sa landas na gusto niyang tahakin. Patuloy siya sa pagi-ensayo hanggang sa nagkaroon siya ng first portrait commission. Nasundan pa ito ng marami pang art commissions at nagpatuloy hanggang sa umalis na siya sa trabaho dahil natanggap siya bilang art teacher ng mga bata sa isang institution. Halos dalawang taon siyang nagturo at habang nakikipag-participate sa mga art exhibitions at gumagawa ng art commissions.

Ilan sa mga kaibigan niya ay humikayat sa kanya na sumali sa isang art group sa Baguio na kung tawagin ay Tam-awan Village Artists (TVA) dahil nangangailan sila ng iba pang portrait sketch artist na magi-sketch ng mga turista/guests sa village. Sinubukan niyang magpasa ng portfolio dahil kaaalis lang din naman niya sa pagtuturo . Tinanggap naman agad siya ng malugod ng kanyang seniors. Dito lalong nalinang ang kanyang kakayahan sa pagguhit at pagpipinta at napasama sa mga art exhibits sa loob at labas ng Cordillera region. Ganoon din ay naging active participant siya sa mga art-oriented outreach programs kung saan, nagtuturo siya ng arts.

Dumating ang isang mabigat na pagsubok kung saan ang kanyang ina ay na-diagnose ng gastric cancer at stage 4 na ito nang malaman nila. Naubos ang kanilang ipon . Isa sa malaking tulong ay ang mga naibenta niyang mga artwork at ilang art commissions para mairaos nila ang pang-araw-araw. Sa huli ay binawian ng buhay ang kanyang ina, isang buwan bago ang malawakang lockdown dahil sa pandemya noong 2019.

Sa ngayon ay siya na ang bumubuhay sa kanyang pamilya bilang panganay at sa kabutihang-palad ay nagiging maayos naman ang lahat dahil sa patuloy na pagtangkilik ng mga tao sa kanyang mga art work. Sa katunayan ay na-sold out ang lahat ng artworks niya at tinatrabaho niya ngayon ang mga bago niyang pyesa para sa upcoming 3-man show sa Dec., 2021.

Ito na marahil ang pagkakataon para PASIKATIN NATIN si Jayson para mas marami pang bumili ng kanyang mga paintings. Bilang isang artist na may mabuting Kalooban at mabait na tao na tumutulong sa pamilya at hindi maramot na ibahagi ang kanyang talento sa mga kabataan.

Sa mga gustong bumili ng kanyang mga paintings ay maaring makipag-ugnayan sa kanyang social media accounts.

Leave A Reply

Your email address will not be published.