Una sa Balita

Jasmine, Julia, Marc nakakabilib talaga

0 550

Inilabas na ang listahan ng mga player na kabilang sa PBA All-Star Weekend nga­yong taon.

Nariyan ang mga pangalan nina Greg Slaughter, June Mar Fajardo, James Yap, Mark Barroca at Scottie Thompson na siyang bubuo sa starting line up ng South Team.

Sa North naman ay sina Marcio Lassiter, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Paul Lee at LA Tenorio. Sila ang mga player na pinili ng mga fan para maglaro sa March 29 na gaganapin sa Calasiao, Pangasinan.

Ang mga manlala­rong nabanggit ay sasalang sa All-Star at ga­ling sa boto ng fans, ang limang starting line up ay talaga namang ma­lakas ang hatak sa fans. Ibang klase ang kanilang karisma sa fans kaya naman kuhang-kuha nila ang boto.

Ang bubuo sa mag­kabilang team ay desisyon na ng coaches, diskarte na nila ito para mas mapalakas pa ang koponan nila pagdating ng All-Star game.

Dito, hindi lang basta hatak sa fans kundi husay at galing talaga ng manlalaro ang titignan ng coaches. Karamihan nga sa mga lalaro ay mga beterano pagdating sa All-Stars.

Nariyan ang mga pangalan nina Terrence Romeo, RR Pogoy, Chris Ross, Baser Amer, Simon, Jio Jalalon, Poy Erram at Joe Devance, sila ang mga manlalaro ng South Team.

Oo, matapos ma-miss ng fans si Joe Devance ay heto na ulit siya para maglaro at magpakita ng kulit at husay sa dance floor. Kaya mahal na mahal ng fans si Devance ay dahil sa harot na pinapakita nito pagda­ting sa dance floor, kaya asahan natin ang pangmalakasang moves niya pagdating ng Marso 29.

Sa kabilang team naman ay andiyan sina Jayson Castro, Stanley Pringle, Chris Banchero, Gabe Norwood, Alex Cabagnot, Arwind Santos, Troy Rosario at Marc Pingris.

Kapansin-pansin na mga beterano na talaga ang bumubuo sa mag­kabilang teams, iba na rin kasi talaga kapag sila ang lumaro dahil gamay na gamay na nila ang galawan sa All-Stars.

Ngunit may ilang fans maging manlalaro na tila hindi sang-ayon sa naging line up ng South at North team. Para sa kanila ay may ibang mas deserving para sa spots.

Oo naman, may punto rin naman sila, dahil ang bawat isa sa atin ay may mga kanya-kanyang manok, may iba’t ibang kahulugan tayo ng mahusay at magaling. Sa madaling salita ay iba talaga ang panlasa ng bawat tao kaya normal na ang ganitong mga komento o opinyon galing sa fans o maging sa mga manlalaro ng liga.

Sabihin na lang natin na alam na ng coaches ang kanilang ginagawa, at paniguradong para ito sa ikagaganda ng laro ng kanilang team. Saka kung ating titignan, marahil ayaw na nila ng kapaan, kaya du’n na sila sa nakasanayan.

Hindi na pahirapan sa kanila ang chemistry dahil ilang taon na rin naman silang na­ging magkakasama sa All-Stars. Kaya abangan na lang natin ang All-Star Weekend na magaganap sa Marso 27 hanggang 29, 2019.

***

Punta naman tayo sa swimming mga Ka-Abante, nitong nakaraang Martes ay nagkaroon ako ng pagkakataon na makapanayam ang mga batang atleta na talaga namang achievers pagdating sa larangan ng swimming.

Sa murang edad nila ay talagang hahanga ka sa disiplina at determinasyon na mayroon sila. Nakapanayam ko sina Jasmine Mojdeh, Julia Basa at Marc Dula, ang edad nila ay mula 11 hanggang 12-anyos.

Kaya naman tala­gang ibang klase ang pagsaludo ko sa kanila, at ang nakakatuwa pa dito ay talagang supportive hindi lang ang kanilang coaches kung hindi ma­ging ang kanilang mga magulang.

Iba ang nagiging ga­ling ng mga bata o ng mga atleta kung ga­bay at pagmamahal ng kanilang mga magulang ang kanilang kasama at kaakibat sa bawat nilang laban.

Ang mas nakatutuwa mga ka-Abante ay may oras pa rin ang mga batang ito na mag-aral at ma-enjoy ang kanilang pagkabata.

Mga bungisngis at mapaglaro pa rin ang mga ito ngunit pagda­ting sa kanilang ensayo at laban ay talaga namang kitang-kita mo sa kanila ang dedikasyon at determinasyon.

Kaya sa inyo Jasmine, Julia at Marc, God bless! Saludo ang lahat sa inyo!

Muli mga Ka-Abante, patuloy ninyo pong suportahan ang ­aming show ni Bes Ramil na “Sporta­lakan,” 6pm tuwing ­Martes. ­Salamat po.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy