Una sa Balita

Janella ‘di nagpatalo sa aktingan kay Maja

0 460

Buong bansa na yata ang napaiyak nina Janella at Maja Salvador sa makapigil hininga na finale episode ng “The Killer Bride,” kung saan natuklasan na nga na si Emma (Janella) ang totoong anak ni Camila (Maja).

Kung anong mga pasabog ng pilot week ng TKB ay natapatan din ng finale nito. Naging full circle na nga ang kwento ng kakatapos lang na serye mula sa pagpapanggap ni Camila hanggang sa pagtuklas ng totoong pagkatao ni Emma.

Sa simula, ang buong akala ng mga manonood ay patay na si Camila at talagang multo nito ang nanggugulo sa Las Espadas, ngunit sa katapusan lang nangyari ang ‘di inaakalang pagkamatay ng bidang karakter. Nakakawindang!

Marami rin ang nanghula na si Emma nga si Vida, ang nawawalang anak nina Camila at Vito (Geoff Eigenmann), ngunit ang kung ano mang pag-aakala ay naputol dahil sa mga di-inaasahang liko ng kuwento hanggang sa kahuli-hulihang episode.

Bumuhos nga ang mga luha sa mga linya ni Emma na “Hindi pa ba ako pwede maging sapat?” at “Ikaw ang mama ko!” sa multo ni Camila. Lalo pang nagpasikip sa dibdib nang idinagdag na nga ni Vito na si Emma ang tunay nilang anak.

Bumuhos ang papuri sa performance nina Janella at Maja, na naging halos isang tao sa naganap na huling linggo dahil sa pagsapi ni Camila sa katawan ni Emma. Hindi maikakaila ang galing ni Janella dahil kayang-kaya niyang makipagsabayan kay Maja.

“Kahit paulit-ulit ko ‘tong panoorin sobrang sikip talaga sa dibdib. Lalo na sa part na sabi ni Emma/Vida, “Pwede ka nang magpahinga, Mama,” kumento ng YouTube user na si purple lover.

“Kahit ilang beses kong panoorin nang paulit ulit, naiiyak pa rin ako. Isa sa pinakamagandang ending ng teleseryeng nakita ko. Kudos sa writer, director at production team,” ayon naman kay Laiskie Feels mula sa YouTube. (Dondon Sermino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More