Una sa Balita

James, Meralco humihinga pa

0 276

SINANDIGAN ng Meralco ang apat na sunod na puntos ni import Delroy Adrian James sa natitirang 1:02 ng laro upang maisalba ang kampanya ng Bolts sa paghugot ng posibleng matira-matibay na playoff sa pagbigo sa San Miguel Beer, 95-91, sa eliminasyon ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum kagabi.

Hindi lamang pini­gil ng Bolts ang limang sunod nitong kabiguan kundi pansamantalang napanatili nito ang tsansa na makasagupa sa matira-matibay na labanan para sa ikawalo at pinakahuling silya na tutuntong sa quarterfinals sa pagpaganda nito sa kabuuang 4-7 panalo-talong record.

“We just want to win. We come out to fight. That is a hell of a team right there. We just want to take it one game at a time. No complaints and just play out there,” sabi ni James, nagtala ng kabuuang 34 puntos, 5 rebounds, 6 assists, 4 steals at 2 blocks.

Nakatabla ng Bolts ang Phoenix Pulse Fuel Masters at Alaska Aces sa magkakatulad na 4-7 panalo-talo karta. Gayunman, makakasagupa ng Bolts ang Aces dahil sa mas mataas nitong quotient habang tuluyang mapapatalsik ang Fuel Masters.

Nahulog naman ang Beermen sa kabuuang 5-6 panalo-talong record kapantay ang Rain or Shine Elasto Painters matapos na maputol ang tatlong sunod nitong pagwawagi.

Hihintayin ng Beermen ang resulta ng huling laro sa pagitan ng Magnolia Hotshots at TNT KaTropa upang malaman kung ano’ng puwesto ang ookupahan nito para sa best-of-three na labanan sa quarterfinals. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy