Una sa Balita

James, Durant dumepensa team LeBron umarangkada

By
0 2,391

SINO’NG nagsabi na walang defense sa All-Star Game?

Hindi sa 2018 edition.

Kaunting background muna.

Sa unang pagkakataon, inabandona ng NBA ang nakagawian sa naunang 66 staging ng midseason extravaganza mula 1951. Walang East vs. West, sa halip ay Team LeBron vs. Team Curry. Pinag-draft ang dalawang captain ng players na isasali sa kani-kanilang roster.

Resulta: Kakaiba pero masayang All-Star Game sa Staples Center sa Los Angeles.

Sa final seconds, binulabog nina LeBron James at Kevin Durant si Stephen Curry, hindi pinagbigyang makasilip ng kahit ga-butas ng karayom na puwang para pumukol ng tying 3.

Napilitang ipasa ni Curry ang bola kay DeMar DeRozan, pero hindi rin nakakuha ng disenteng tira sa harap ng mahabang galamay ni KD.

At iniuwi ng Team LeBron ang tropeo via 148-145 win.

“It was so competitive,” nakangiting lahad ni Durant. “It was the best one I’ve been a part of.”

May 19 points si KD sa kanyang ninth All-Star Game.

Umiskor si James ng 29 kabilang ang go-ahead layup, 34.5 seconds na lang, nagdagdag ng 10 rebounds at eight assists at binulsa ang pangatlo niyang All-Star Game MVP.

Halos lahat ng tira ng magkabila, binubulabog ng kalaban. Nag-full court press pa sa dulo ng first half ang Team LeBron na naiwan ng 11 may 6 minutes pa bago isinara ang laro sa 25-11 run.

Ibinuhol ng step-back 3 ni James ang iskor sa 144, 1 1/5 minutes pa sa laro.

Balik sa unahan ang Team Steph sa isang free throw ni DeRozan, bago binawi ng layup ni James. Nagka-turnover si DeRozan sa pasa kay Giannis Antetokounmpo, humarabas sa kabila si Russell Westbrook para sa panelyong layup, 10 seconds pa.

May huling tsansa si Curry, pero hindi nakawala kina LeBron at KD.