Una sa Balita

James, Cavs pinahiya ng Pacers

By
0 2,389

Natikman din ni LeBron James ang matalo sa first round ng playoffs, sa kamay ni Victor ­Oladipo at ng Indiana Pacers Linggo ng gabi sa Cleveland.

Umiskor si Oladipo ng 32 at mula opening tipoff hanggang final buzzer na dinomina ng ­Pacers ang Cavaliers tungo sa 98-80 panalo sa Eastern Conference series opener.

Sa nakalipas na walong taon, hindi pa natalo si James at ang Cavs sa opening round, unang playoff opening loss ni James mula dating 12-0 sa Game 1s.

“Is it?” parang hindi pa makapaniwalang balik-tanong ni ­Le­Bron. “I’ve never lost a game in the first round before in my career?”

Sa kabila ng talo ay hindi pa nagpa-panic si James, maghahanda para sa Game 2 sa Miyerkoles sa Quicken Loans Arena pa rin.

“I’m down 0-1 in the first round,” suma niya. “I was down 3-1 in the Finals. So, I’m the last guy to ask about how you’re ­going to feel the next couple of days.”

Umalagwa ng 21-point lead sa opening quarter ang Indiana, umakyat muli sa 23 sa third. Naibaba ng Cleveland sa pito sa fourth, pero nagbaon ng 3 si Oladipo, sinundan ng isa pang 3 ni Bojan Bogdanovic at lumayo muli ang Pacers, 88-71.

Pagtunog ng final buzzer, kalmado lang na lumabas ng court ang Pacers, ayon kay Oladipo ay buo ang tiwalang kayang manalo.

“We came into this game with a mentality that we wanted to ­attack on both ends of the floor and play the way we’ve been playing all year, and we did a great job of that. It’s only one game, it’s only Game 1.”

Nagsumite pa rin ng triple-double na 24 points, 12 assists at 10 rebounds si James, pang-20 niya sa career. Pero wala siyang gaanong tulong na nakuha sa apat pang starters na sina Kevin Love, Jeff Green, Rodney Hood at George Hill na may pinagsamang 25 points lang.

Mula 3-point range ay ­8-of-34 lang ang Cavs, winalis ang ­Pa­cers sa first round noong nakaraang taon.