JAILBREAK SA SULU: 4 NADALE, 10 HINAHANTING

By ,

Patay ang tatlong inmates, habang isa ang sugatan sa naganap na jailbreak kahapon ng madaling-araw sa Jolo Municipal Provincial Jail sa Sulu.

Sa nasabing jailbreak, 10 pa ang nakatakas at ngayon ay pinaghahanap na ng mga awtoridad.

Sa ulat ni ARMM (Autonomous Region of Muslim Mindanao) regional police director, Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, bandang ala-una ng madaling-araw nang maganap ang jailbreak kung saan nasa 38 preso ang nakatakas pero muli namang nasakote ang 24 at 10 pa ang pinaghahanap.

Tiniyak naman ni Sindac na nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang hot pursuit operations ng Jolo Municipal Police, PPSC at RPSB laban sa 10 inmates na nakapuga.

Sinabi ni Sulu Provincial Police director Sr. Supt. Mario Buyuccan na tumutulong din sa paghahanap ang militar sa Sulu gayundin ang K-9 dogs at drones ng AFP para matunton at maaresto muli ang mga pugante.

Samantala, iniimbestigahan na ng PNP-ARMM at SOCO ang jailbreak incident sa Jolo.

Hindi naman nagbigay ng detalye ang pulisya kung paanong nakatakas ang mga bilanggo o kung sinibak na ba sa puwesto ang jail warden dahil sa naganap. Walang rin pahayag ang alkalde ng naturang bayan.

SHARE