Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Iwas sa kumunoy ng pagkakautang sa China

0 227

May nabasa akong pag-aaral na ang China na raw sa ngayon ang may hawak ng rekord bilang pinakamalaking nagpapautang o creditor, at naungusan na nito ang International Monetary Fund at World Bank.

Ayon sa Kiel Institute for the World Economy Working Paper, mula sa dating zero o malinis ang listahan ng direct loans at trade credits noong 1998, biglang lumobo sa US$1.6 trilyon ang opisyal na utang ng China noong 2018.

Kumakatawan na ito sa halos 2% ng gross domestic product (GDP) ng buong mundo. Sinusukat ng GDP ang kabuuang produksiyon ng produkto at kagalingang ekonomiko ng isang bansa.

Dahil dito, may basehan ang pangamba ng marami, kabilang na ako, na baka malagay tayo sa alanganin kung patuloy ang pagsandal natin sa China sa mga pondong gagamitin para sa malalaking proyekto tulad ng Build Build Build.

Sa ngayon, pumasok ang Pilipinas sa 2 loan agreements sa China: 1) $62.1 milyong utang para sa Chico River Pump Irrigation Project, at 2) $211.2 milyon para sa New Centennial Water Resource – Kaliwa Dam.

May pinagmumulan ang ating pangamba sa mga pautang na inaalok ng China. Sa pagdinig sa Senado noong 2019 kaugnay ng construction ng Kaliwa Dam, lumantad doon ang mga iregularidad sa proseso ng bidding at vetting na parang lutong Macau. Katulad halimbawa ng kagustuhan nilang limitado lamang sa 3 Chinese contractors ang maaaring sumali sa bidding ng proyekto.

Hindi rin lingid sa mga bansa na mas mataas ang interest rates ng pautang nila at maikli ang panahong ibinibigay nito para mabayaran ang utang. Bukod pa sa paniniguro sa pautang at ang hinihinging collateral ay mga pag-aari ng bansa.

Tulad na lamang ng nangyari sa Tajikistan at Sri Lanka na parte ng teritoryo at kontrol sa port nila ang naging kapalit nung hindi sila nakabayad ng utang sa China.

At alam naman nating lahat ang nagiging problema ng Pilipinas sa China pagdating sa West Philippine Sea (WPS). Bahagi na nga ng exclusive economic zone natin ang binabaybay at pinapangisdaan ng mga Pilipino subalit hindi sila pinapayagan ng China dahil umano’y nasasakop nila ang lugar na iyon.

Dahil sa reclamation na isinasagawa ng China sa WPS at sa iligal na pangingisda sa dagat na sakop ng Pilipinas, itinatayang P33.1 bilyon ang nawawala kada taon sa Pilipinas dahil sa pagkasira ng reef ecosystem sa Panatag Shoal at Spratly Islands.

Patuloy ang pagkuha ng malalaking kabibe, hindi para kainin, kundi upang kuhanin ang shell na mahal naibebenta sa paggawa ng mga alahas at figurines.

Kahit pa nga sa gitna ng pananalasa ng pandemyang dulot ng COVID-19, patuloy ang kanilang aktibidad at nakapaglagay na nga sila ng 2 bagong distrito: ang Xisha District na sumasakop sa Paracel Islands at Macclesfield Bank; at ang Nansha District sa Kagitingan Reef na sumasakop sa Spratly Islands.

Pasulpot-sulpot rin ang balita na patuloy sa paglalayag sa dagat na nasasakupan ng Pilipinas ang Chinese research vessels na nagsasagawa ng survey doon kahit walang permiso mula sa ating bansa.

Nakapagsampa na tayo ng humigit kumulang sa 45 diplomatic protests laban sa mga aktibidad na ito sa WPS, mula 2016.

Kailangan natin pangalagaan at protektahan ang nasasakupan ng bansa. Kailangan ang masusing pag-aaral sa mga kaganapan sa paligid at ang magiging epekto ng bawat desisyon sa kinabukasan ng Pilipinas at mga Pilipino.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.