Una sa Balita

Ituro sa kabataan ang responsableng paggamit ng social media

0 601

Kabilang sa mga babala ng mga eksperto sa lara­ngan ng medisina nga­yon ay ang pagbababad sa social media na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang kabataang dumaranas ng anxiety o pagkabalisa at depres­yon.

Naiulat sa media na sinabi ni Dr. Cornelio Banaag, Jr. ng Medical City na ang kakulangan sa tulog ay epekto ng labis na paggamit ng cellphone. Hindi maiiwasan na mabahala tayo sa ulat na ito lalo’t kilala ang Pili­pinas bilang ‘social media capital of the world’. Kaya naman mahalaga na maituro natin ang wastong paggamit ng internet at social media.

Ayon sa Department of Health o DOH, higit tatlong milyon o 3.3 mil­yong mga Pinoy ang mayroong depressive disorder. Sa isang pag-aaral naman mula sa student health survey ng World Health Organization o WHO noong 2015, sa mahigit 8,000 mag-aaral ng high school sa Pilipinas ay halos 17 porsiyento mula edad 13 hanggang 17 ang nagtangkang magpakamatay.

Isang halimbawa lamang nito ay ang malungkot na sinapit ng isang mag-aaral sa Grade 10 na taga-Sorsogon City nitong Marso ng kasalukuyang taon.

Natagpuan siyang wala nang buhay sa loob ng kanilang bahay at sinasabing siya ay nagpakamatay dahil sa depresyon.

Dahil dito, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay nananawagan tayo sa Department of Education o DepEd na ituro ang res­ponsableng paggamit ng social media sa kabataan bilang bahagi ng pag-aalaga sa kalusugan ng isip o mental health.

Kaya naman, naniniwala tayo na talagang kailangan nang ibalik ang subject na Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa mga paaralan kung saan maaari nang maisama ang pagtalakay sa res­ponsableng paggamit ng internet at social media.

Bukod dito, mahalaga ring matutunan ng mga guro at mga guidance counselor ang tamang pagbibigay ng psychological first aid lalo na’t kulang na kulang ang bilang ng mga rehistradong child psychiatrist sa bansa na wala pang 100 sa kasalukuyan.

Kung tuturuan natin ang mga estudyante kung paano maging res­ponsable sa pagtangkilik ng social media at kung paano alagaan ang kanilang mga sarili, kailangang tiyakin din natin na ang mga magtuturo ay may sapat at tamang kakayahan para gawin ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy