Una sa Balita

Ituro ang pangangalaga ng kapaligiran sa loob at labas ng klasrum

0 410

Climate change—alam natin na ito ang patuloy na pagkainit ng mundo na may negatibong pinsala sa tao, hayop at kalikasan. Ngunit, hindi maikakaila na dulot din ito ng sari-saring gawain ng tao kung kaya’t nararanasan ang matitinding epekto tulad ng polus­yon, pagbaha, pagkamatay ng mga hayop sa tubig at lupa, pagtunaw ng yelo sa Antarctica, at marami pang iba.

Aminin natin, isa sa mga dahilan ng kawalan ng disiplina sa sarili at pagtutulungan upang labanan ang pagbabago ng klima ay ang kakulangan ng aksiyon kahit pa may mga ginagawang proyekto para magbigay ng karapat-dapat na impormasyon ang gobyerno maging ang mga non-government organization.

Sa madaling salita, walang patid na edukasyon ang dapat pa­tuloy nating ginagawa upang mas maintindihan kung gaano kahalaga at kaseryoso ang usaping ito. Kung hindi natin papansinin ang realidad ngayon, hindi malayong mangyari na labis na maapektuhan ang mga susunod na henerasyon, at sa mga susunod pa rito.

Sa Pilipinas, isa sa mga hakbang ay ang pag-obserba at pagsunod sa Republic Act No. 9512 o ang National Environmental Awareness and Education Act of 2008. Ito ang batas na ipinapa­laganap ang edukasyon sa kapaligiran.

Mayroon din ang Department of Education na Memorandum Order No. 52 na nagpapatupad sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na ma­nguna sa pagsasagawa ng mga gawain ng mga mag-aaral na mag-alaga at magprotekta ng kapaligiran.

Kabilang na rito ang matindihang pagtuturo nito sa Science, kung saan inaatasan ang mga guro at opisyal ng paaralan na magsagawa ng mga classroom drill, diskusyon at aktibidad na may kaugnayan sa climate change alang-alang sa mga mag-aaral at kanilang pamilya.

Hinihikayat din ang mga guro na dumalo sa mga lecture-seminar, workshop at pagpupulong at pagtatayo ng mga organisasyon na tututok sa mga inisyatibong may kontribusyon sa pag-unlad ng kapaligiran, tulad na lamang ng pag-aalaga at pagtatanim ng mga puno kabilang na ang ‘A Million Tree Challenge’.

Ngunit, ilan lamang ito sa marami pang ibang pamamaraan na hindi lamang nakatutulong sa ating kapaligiran kundi ay humihikayat din ng positibong pananaw tulad ng pakikipagkapwa-tao, pagmamahal sa iba at pagmamalasakit sa mundong ginagalawan.

Habang patuloy na­ting sinusuportahan ang mga proyekto ng gobyerno at mga komunidad na naglalayong makatulong sa paglutas ng sakit sa ating mundo, tayo po ay patuloy ring nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang mapag-aralan ang nararapat na polisiya upang maibsan ang pagbabago ng klima at mga nakaaalarmang epekto nito sa bawat bansa, siyudad at indibidwal.

Naniniwala tayo na ang maliliit na kilos ay unang hakbang tungo sa malalaking solusyon. Kaya naman, gawin ang ating parte sa pangangalaga ng ating kapaligiran sa abot ng ating makakaya!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy