Itlog sa Europe kontaminado ng pamatay-insekto

By

Nagpatawag na ng special meeting ang European Commission upang matugunan ang lumalaking krisis na may kinalaman sa itlog na kontaminado ng pamatay-peste.

Kumalat na kasi ang eskandalo sa 15 bansa ng European Union (EU) at nakarating na rin hanggang sa Hong Kong.

Pero, sa Setyembre 26 pa ang itinakdang pulong ng mga minister at food safety chiefs ng mga bansa sa EU na layuning matigil ang sisihan at hiyaan ng bawat isa na dahilan ng pagkatakot sa kemikal na fipronil, isang uri ng pamatay ng insekto.

Milyun-milyong itlog na ang binawi sa mga supermarket sa Europe at marami na rin ang ipinasarang poultry farms matapos ibunyag sa publiko noong Agosto 1 ang pagkakadiskubre ng itlog na may fipronil na maaaring magdulot ng masamang epekto sa tao.

Nasa gitna ng krisis na ito ang mga bansang Belgium, The Netherlands, at Germany.

Karaniwang ginagamit ang fipronil para maalis ang pulgas, kuto, at garapata sa mga hayop subalit mahigpit na ipinagbabawal ito ng EU na gamitin sa industriya ng pagkain.

Iginiit ng EU na walang banta sa kalusugan ng tao ang krisis subalit sinabi ng World Health Organization (WHO) na kapag marami ang nakaing itlog na kontaminado ng pamatay ng insekto ay maaaring magkaroon ito ng masamang epekto sa kidney, liver, at thyroid glands.

Labinlimang bansa sa EU ang apektado ng eskandalo pero may indikasyong lumawak pa ito matapos ihayag ng Brussels na nakarating na rin sa Hong Kong ang mga kontaminadong itlog galing ng Netherlands.

Inihayag kahapon ni Hong Kong health minister Sophia Chan na hinigpitan na nila ang pagsisiyasat sa mga itlog na galing ng Europe.

Una nang inakusahan ng Belgium ang Netherlands na alam ang tungkol sa mga itlog na kontaminado ng fipronil mula pa noong Nobyembre 2016 su­balit hindi umano nito sinabi sa iba pang bansa.


Inamin naman ni Dutch Health Minister Edith Schippers na nagkamali ang kanilang gobyerno pero itinanggi nito na mayroong cover-up.

Isang Dutch whistleblower ang nagbunyag sa mga awtoridad na ang Dutch company na Chickenfriend ang nasa gitna ng eskandalong ito matapos gumamit ng ipinagbabawal na fipronil para malinis sa mga kuto ang kanilang mga kulungan ng manok. 

SHARE