Una sa Balita

Itigil ang pang-aabuso sa mga senior citizen

By
0 215

Kilala ang mga Filipino sa ating nakalakihang kultura na maalaga sa ating mga pamilya.

Ang mga lolo at lola ay karaniwang nakatira at inaalagaan ng kanilang mga anak at mga apo. Magkakasama kadalasan sa iisang bubong ang buong pamilya – mula lolo at lola, nanay at tatay hanggang sa mga apo. Ito ang karaniwang konsepto ng pamilyang Filipino.

Subalit hindi maipagkakaila na marami rin sa ating mga senior citizen ang nakakaranas ng pang-aabuso o pangmamaltrato mula sa kanilang sariling pamil­ya mismo. Dahil sa paglaki ng populasyon ng mga senior citizen, marami na rin ang mga naitalang kaso ng pang-aabuso sa kanila. Ayon sa datos ngayong taon, isa sa 20 na senior citizen ay nakakaranas ng pang-aabuso o pangmamaltrato.

Ang karaniwang kaso ng pangmamaltrato ay sa pamamagitan ng pagpapabaya sa kanila o pang-aabusong pisikal, psychological at ma­ging sa pera kung saan may ibang gumagastos o umuubos ng salapi ng matanda nang hindi niya gusto.

Ang mga malalalang kaso ng pang-aabuso sa ating mga senior citizen ay makikita kung sila ay may mga marka o pasa sa katawan, naba­ling buto, pagkakaroon ng depression, hindi na lumalabas ng kuwarto o hindi na sumasali sa mga normal nitong mga ginagawa at tensyonadong relasyon sa mga kaanak.

Nakakabahala ang ganitong mga kaso lalo na at walang kalaban-laban ang ating mga senior citizen sa mga pananakit o pangmamaltrato sa kanila ng mga taong pinagkakatiwalaan pa nila mismo – ang kanilang pamilya.

Upang magbigay ng ayuda sa problemang ito, naghain ako sa Senado ng Senate Bill No. 1889 o ang “An Act Defining and Prohibiting Elder Abuse” kung saan bibigyan natin ng tulong ang mga senior citizen na dumaranas ng mga pang-aabuso. Sa datos noong 2010, mayroon ng pitong milyong seniors sa buong Pilipinas.

Isinusulong ng panukalang ito ang ang pagpaparusa ng pagkakakulong sa mga mangmamaltrato o aabuso sa mga matatanda. Ituturing itong public offense na kung saan ang puwedeng magsampa ng kaso sa mang-aabuso ay ang senior citizen mismo, ang caregiver o miyembro ng pamilya, ang healthcare provider, therapist o counselor, ang kasamahang senior citizen mula sa grupo ng mga senior o kasama sa simbahan, barangay officials, social welfare officers o pulis.

Kapag naging ganap na batas na ang panukalang ito, magkakaroon ng mga Senior Citizens Help Desk sa bawat barangay, at magkakaroon ng mandatory na programa at serbisyo ang mga lokal na pamahalaan kasama na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktimang senior citizens.

Ang ating mga senior citizen ang yaman ng ating lipunan. Pinagsilbihan nila ang ating pamilya at ang komunidad, bigyan natin sila ng respeto at pagmamahal sa mga huling sandali ng kanilang mga buhay.

***
Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pang­kababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.