Italyanong pedopilya dinampot sa Davao City
INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Italian national na inakusahang pedopilya at nangangalap ng menor de edad na Pilipino.
Sa ulat na ipinarating kay BI Commissioner Jaime Morente, ang 57-anyos na dayuhan na kinilalang si Lorenzo Marchesi ay nahuli noong Nobyembre 8 sa Davao International Airport.
Paalis na sana si Marchesi nang harangin ito sa naturang paliparan dahil sa isang mission order para sa kanyang pag-aresto.
Related Posts
Si Marchesi ay kasalukuyang nakakulong sa holding facility ng BI district office sa Davao City habang sumasailalim sa deportation proceedings at nakabinbin na resolusyon ng mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya ng kanyang mga naging biktima.
Unang binabaan ni Morente ng mission order si Marchesi dahil sa mga imoral na aktibidad ng huli upang ito ay maging undesirable alien.
Sinampahan din ng reklamo si Marchesi na nag-ugat sa paglabag nito sa Anti-Trafficking Act, Cybercrime Law, at Anti-Child Abuse Act. (Mina Aquino)