Una sa Balita

Itaguyod ang pagkakaroon ng Philippine Judicial Marshal Service

0 303

Sa pagpasok natin sa Bagong Taon at sa loob ng panibagong dekada, batid natin ang mas malaking hamon hindi lamang sa ating mga Pilipino kundi maging sa lahat ng tao saan man dako ng mundo.

Ito ay bunsod na rin ng paglipana ng maka­bagong teknolohiya na siyang nakatuon sa pagpapadali ng pamumuhay natin sa bawat araw. Iba’t ibang ‘advanced technology’ ang ating tinatamasa ngayon na siyang may malaking epekto sa pamumuhay ng tao, mahirap man o mayaman.

Ngunit sabi ng ilang eksperto, ang ating pagiging modern ay may maganda at masamang epekto. Sa ating pagkahumaling sa mga gamit na makabago, hindi na natin alintana na unti-unti ay napababayaan natin ang kapaligiran. Ang kawalan ng respeto at pangangalaga sa kalikasan ay nagdudulot ng napakala­king pagbabago sa balanse ng kapaligiran na ating ginagalawan o mas kilala bilang ‘ecological system’.

Hindi man tayo ganun ka-eksperto sa usaping ito ngunit sa tingin ko ay napakaha­laga din naman na tayo ay maging sensitibo pagdating sa usapin ng ‘environmental protection’. Ang pagtatapon ng basura sa tamang lalagyan, pag-iwas sa pag-gamit ng plastic at paglilinis ng kapaligiran ay simpleng ambag upang mapanatiling maayos at buhay ang ating ‘eco-system’.

Simpleng hakbang natin ito upang masigurong tayo ay ligtas at makaiwas na rin sa sakuna at delubyong maaaring idulot ng pagbawi ng kalikasan. Gaano man tayo ka-moderno, balewala lahat ng ito kapag nagalit ang ‘Inang Kalikasan’.

***

Bilang Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, layunin ko na mapanatiling ligtas ang bawat Pilipino na namumuhay ng maayos sa ilalim ng mga umiiral na batas sa ating bansa. Pantay-pantay ang function ng tatlong sangay ng ating gobyerno na kinabibilangan ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Sila ay naka-disenyo upang magsagawa ng ‘checks and balances’ sa bawat isa. Kinikilala natin ang kanya-kanyang kahalagahan ng bawat sangay na ito.

Ngunit nitong mga nakalipas na panahon, naging nakababahala ang pag-atake at pagpatay sa ating mga huwes at iba pang miyem­bro ng hudikatura. Ayon sa ulat ng Office of the Court Administrator, nasa thirty one (31) judges na ang napaslang simula noong taon 1999. Lima sa mga ito ang napatay sa ilalim ng kasaluku­yang administrasyon.

Batid natin ang mahalagang trabaho ng mga taga-hudikatura kaya naman ating isinusulong ang Senate Bill No. 1237 o “An Act Creating the Philippine Judicial Marshal Service Defining Its Functions and Powers, Appropriatiing Funds Therefor, And For Other Purposes”.

Ang pangunahing function ng Philippine Judicial Marshal Service ay “to protect, defend, safeguard and provide security sa justices, judges, court officials and personnel, halls of justice, courthouses at iba pang judicial buildings at properties” sa buong bansa.

Sila na rin ang maaatasan na manguna sa investigations sa posibleng banta sa seguridad laban sa ating mga huwes, opisyal ng korte at personnel ng mga ito. Bahagi din ng kanilang mandato ang pagsisiyasat sa allegation of anomalies at wrongdoings ng mga huwes at kanilang mga tauhan. Ang Judicial Marshals na rin ang aayuda sa execution at implementasyon ng mga court orders.

Umaasa tayong magiging batas ang ating panukalang ito, sa ikasasaayos at ikahuhusay ng judicial system sa ating bansa. Pagtulungan nating sigu­ruhin na maging ligtas ang lahat sa anumang banta sa mahalagang buhay. Tulad ng aking palagiang sambit, sa abot ng aking makakaya, “Sagot Kita, Itaga mo sa Bato!”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More