Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Isyu sa ICC mapupulitika

0 158

Mga ‘iGan, pormal na pinahintulutan ng International Criminal Court (ICC) na simulan na ang pagsisiyasat sa hinihinalang ‘crimes against humanity’ ni Pangulong Duterte kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga o Oplan Tokhang.

Hindi bababa sa 6,181 katao ang napatay o sinadyang pinatay ng mga awtoridad sa mahigit sa 200,000 mga operasyon laban sa droga, ayon sa pinakabagong datos na inilabas ng Pilipinas noong Hulyo ng taong ito. Itinuturing ito na ‘extra judicial killings’ (EJK). 

Nakitaan ng mga hukom sa tribunal na may “makatwirang batayan” upang magpatuloy sa pagsisiyasat.

Idinagdag nila ang kampanya na “tinawag na ‘digmaan laban sa droga’ ng Duterte Administration o ang Oplan Tokhang ay hindi masasabing lehitimong pagpapatupad ng batas kundi labis labis na abuso sa kapangyarihan.

Ang Pilipinas ay umalis na rin bilang miyembro ng ICC noong  2019, matapos maglunsad ng inquiry sa ‘war on drugs’ ng Duterte Administration.

Pero mukhang politikal kaysa legal ang pinakahuling aksyong ito ng ICC na posibleng makaapekto sa kredibilidad ng pamumuno ni Duterte sa gitna ng papalapit na eleksyon 2022. Gagamitin lamang ito ng oposisyon o kanyang kritiko sa pag-asang makapuntos bilang election issue at malamang ay wala ring mangyari.

Bakit?

Itinatakda kasi ng sariling charter o panuntunan ng international na hukom na, “maari lamang kumilos ang ICC kapag napatunayan na ang mga korte sa isang bansa ay nabigong kumilos, magsagawa ng imbestigasyon at maparusahan ang mga nagkasala laban sa sangkatauhan.”

Kumilos naman ang Philippine National Police (PNP) at nakapaghain sila ng hindi bababa sa 61 kaso laban sa mga pulis na sangkot sa EJK para repasuhin ng Department of Justice (DoJ).

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, marami ng bilang ng mga pulis ang opisyal na inirekomenda nila sa para sa aksyong administratibo at kriminal.  “Ito ang agarang gawain ng Review Panel upang matiyak na ang mga rekomendasyong ito ay naaksyunan at isinasagawa ng wastong awtoridad sa pagdidisiplina,”dagdag pa ni Guevarra.

At sa naging talumpati ni Guevarra sa harap ng Human Rights Council noong February 24, 2021, inamin niya ang pananagutan ng ilang pulis na nakitaang umabuso sa kanilang kapangyarihan na sadya umanong pinatay ang ilang sibilyan na hinihinalang sangkot sa droga.

Taliwas sa paniniwala ng ICC, kumikilos naman at tuloy ang justice system sa Pilipinas sa mga kasong may kaugnayan sa ‘war on drugs’ ni Duterte.

Noong Nobyembre 2018, napatunayan ng Caloocan RTC na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda and PO1 Jerwin Cruz ay ‘guilty of murder’ at hinatulan ng Reclusion Perpetua (habambuhay na pagkabilanggo) sa pagpatay sa 17 taong gulang na si Kian Delos Santos. 

Sa madaling salita, dahil sa teknikalidad ay posibleng malusutan  ng Duterte Administration ang gagawing imbestigasyon ng ICC. Pero sa Pilipinas, ito ay magiging malaking ‘election issues’ lalo’t tatakbong muli si Duterte sa pagka-bise presidente.

Pero sa paliwanag ni Atty Romel Bagares, Professorial Lecturer in International Law at Lyceum of the Philippines University College of Law, San Sebastian College Graduate School of Law, and Polytechnic University College of Law, hindi ito dapat ipagkibit balikat o dedmahin ni Duterte at kanyang gobyerno.

Ang binabanggit na kawalan ng aksyon ng isang estado ay para sa kanilang mga lider. “Ang mga pulis na kinasuhan ay mga ‘foot soldier’ lamang. Ang pinapanagot ay kung sino ang nag-utos sa kanila na gawin ang pagpatay,” ayon kay Bagares.

Malilimitahan din ang pagpunta abroad nina Duterte at dating PNP chief at ngayon ay Senador Ronaldo ‘Bato’ Dela Rosa kahit hindi makipag-cooperate ang gobyerno.

Hindi naman maaaring ipikit ang ating mga mata sa walang habas na pagpapatay sa mga hinihinalang ‘user’ at ‘pusher’ habang nakakakalaya at patuloy ang operasyon ng mga malalaking ‘drug lord’ at protektor na nasa gobyerno.

Walang Personalan. 

Leave A Reply

Your email address will not be published.