Una sa Balita

Isyu ng Navy frigate deal, hinding-hindi uurungan

By
0 922

Kung ang trato ng Malacañang lalo na ang taga­pagsalita ng Pangulo na si Spokesperson Harry Roque sa mga isyu ng katiwalian sa administrasyon ay pamumulitika lamang dahil miyembro ng oposisyon ang nakatuklas at nagsiwalat, walang patutunguhan ang anti-corruption campaign ng kanyang amo.

Lalabas na pakitang-tao lang ang mga pagsibak na ginagawa ng Pangulo sa mga nasa gobyerno na sangkot daw sa anomalya para ipakita na seryoso kuno siya sa kampanya laban sa katiwalian.

Kung talagang seryoso ang gobyerno na labanan ang katiwalian, dapat ipatupad ang kanyang polisiya laban sa korap­syon hindi lang sa mga taong hindi dikit sa Pa­ngulo kundi kasama rin ang mga kaputol na ng kanyang pusod.

Pero kung piling-pili lang ang babagsakan ng palakol at ligtas ang mga sanggang-dikit ng Pangulo, walang maniniwala na seryoso nga ang Pangulo sa kanyang kampanya laban sa korapsyon.

Sa simpleng anonymous letter lang ay umaaksyon ang Pangulo laban sa ini­rereklamong opisyal at inaalis niya agad sa puwesto ang inirereklamo pero kapag oposisyon ang nagsiwalat ng isang ano­malya, kahit kumpleto sa mga dokumento, tinatrato nilang pulitika.

Hindi magandang pa­ngitain sa kampanya ng Pangulo laban sa katiwalian ang mga na­ging sagot ni Spokesperson Roque sa isyu ng pakikialam ni Secretary Bong Go sa pag-procure ng mga barkong pandigma ng Navy.

Para bang isinisi agad sa nakaraang administrasyon ang isyung ito gayung sa panahon naman ng kanyang amo na-finalize ang kontrata, sa kanilang panahon nagkapirmahan ng kontrata at inimplementa ang proyekto. Ano ito? Naghuhugas-kamay at inaabsuwelto ang mga taong sangkot sa anomalya?

Mali ring sabihin ni Spokesperson Roque na ‘kaalyado ko’ ang nakaraang administrasyon dahil kahit sino ang nakaupo sa Palasyo ay tumitindig kami sa tama. Noong panahon ni Pangulong Aquino, tumindig ako sa isyu ng SAF44, anomalya sa AFP-PNP Housing, at unconstitutional provisions ng BBL sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.

Ang kaalyado ko ay ang interes ng AFP at ng bansa at hindi kung sino mang nagnanakaw sa gobyerno. Kung magkakaroon ng imbestigasyon, susuportahan ko iyan basta siguraduhin lamang na ito ay makatotohanan at hindi palabas lamang tulad ng naunang mabilisang imbestigasyon kuno ng Malacañang.

Makakaasa ang publiko at ang Malacañang na babantayan ko ang isyung ito. Hinding-hindi ako mananahimik at uurong kahit sino pa man ang mapatunayang sangkot sa anomalyang ito. Sa huli, ang hangad ko ay ang ikabubuti ng ating Philippine Navy at ng buong AFP.

***

Makipagtalakayan kasama ko sa:
Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com
FB: /Rep.AlejanoMagdalo