Una sa Balita

Isyu ng mental health ‘wag gawing biro

0 237

Isa sa mga ipinagmamalaking batas na naipasa natin noong 2018 ay ang Mental Health Act (Republic Act 11036). Ito ay itinuturing na landmark law na nagpapatibay ng polisiya ng gobyerno na isama ang kalusugang pangkaisipan ng ating mga mamamayan sa pang­kabuuang progra­mang pangkalusugan ng bansa.

Ang lagi ko ngang sinasabi, walang makatotohanang polisiyang pangkalusugan kung hindi kasama sa holistic approach ang mental health ng ating mga kababayan. Hindi puwede itong ihiwalay dahil bahagi ito ng ating buong pagkatao, ng ating buong kalusugan.

Maaaring bago pa lamang ang batas na ito subalit hindi ito dahilan upang ipagwalang-bahala natin ang mga isyu kung saan sinasangkalan ang mental health ng isang tao upang yurakan ang kanyang pagkatao at gamiting sandata upang ibaba ang reputasyon ng sinuman sa atin.

Katulad nga ng nauna ko nang naging pahayag, itigil na natin ang pag-triviliaze sa mental health, lalo na sa usapin ng suicide. Kailangan nating ma­ging sensitibo sa pagtalakay ng ganitong mga bagay. Huwag tayo mag-assume na alam natin ang pinagdaraanan ng ibang tao dahil lamang kilala natin sila o lagi natin silang nakikita. Hindi rin tama na diktahan sila kung paano ba dapat mag-cope o malagpasan ang kanilang pinagdadaanan.

Kailangan nating baguhin ang ating nakasanayan pagdating sa usapin ng mental health lalo na sa nga­yon na pataas ang bilang ng nagpapakamatay sa bansa. Ako ay nakikiusap sa ating mga kaibigan sa lahat ng sektor ng ating lipunan na magtulungan tayo na tanggalin ang stigma tungkol sa mental health. Huwag natin libakin, hiyain at idiskrimina ang ibang tao dahil sa kanilang pinagdaraanan sa kanilang mental health. Dapat nga ay mas tulungan natin sila, tanggapin, mahalin at unawain.

Naniniwala rin ako na dahil sa mga kontrobersyal na isyu sa mental health na lumabas kamakailan ay mas mauunawaan na sa ngayon ng marami sa atin kung paano nga pala i-handle o talakayin ang ganitong mga usapin.

Maaaring ang iba kasi sa atin ay hindi dati alam ang mga isyu sa mental health kasi hindi ito bukas na napag-uusapan. Ang hiling ko lang ay sana magkaroon tayo ng mas malawak na kaalaman ngayon tungkol dito kasi kahit sino sa atin ay puwedeng magkaroon ng problema sa mental health.

Tandaan natin, ang problema sa mental health ay hindi ‘arte lang’, ‘kadramahan lang’, o ‘nagpapapansin lang’. Ito ay lehitimong problemang pangkalusugan na kailangan ng karampatang serbis­yong pangkalusugan at pagmamahal mula sa pamilya at mga kaibigan.

Sa pagbalik din ng session ng Senado ngayong Enero ay tututukan ko ang implementasyon ng Mental Health Act. Makiki­pagdayalogo tayo sa Department of Health, sa mga lokal na pamahalaan at iba pang sa­ngay ng gobyerno at mga advocate mula sa iba’t ibang grupo sa tamang pagpapatupad ng batas na ito upang maserbisyuhan nang maayos ang ating mga kababayan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More