Una sa Balita

Isuplong ang mga bumibili ng boto

0 314

Mukhang mara­ming masasampolan kapag naging aktibo ang mga awtoridad at publiko sa paglipol sa mga nasa likod ng pamimili ng boto.

Kamakailan lamang ay may nahu­ling ilang indibidwal dahil sa pagbebenta at pamimili ng boto sa Tagkawayan, Quezon.

Hindi naman sadya ang operasyon, nagkataon lamang na nasita ang dalawa katao sa magkahiwalay na police operation.

Pero habang inu­usisa sa ginawang paglabag ay tumambad ang mga nakatuping sample ballot na may naka-stapler na P500.

Dahil sa nabu­king na modus sa papalapit na eleksyon ay kalaboso ang inabot ng dalawang kalalakihan dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code of the Philippines (vote buying at vote selling).

Kaya naman saludo tayo sa Tagka­wayan Municipal Police Station at nakorner nila ang dalawang suspek na dapat ay magsasagawa na ng pamimili ng boto.

Kaya sa mga nagpaplanong bumili ng boto, huwag na kayong mag-ambisyon dahil nakabantay ang buong puwersa ng PNP para idiskaril ang masama ninyong plano.

Maraming paraan ang PNP para abatan ang masama ninyong plano at patunay dito ang dalawang kalalakihang nasukol sa ‘Oplan Sita’.

Sabagay sino pa nga ba ang hahadlang sa masamang plano ng mga politiko at kanilang mga alipores para manaig sa darating na halalan kundi ang ating kapulisan.

Kaya dapat ay suportahan natin ang ating PNP. Ibigay natin ang ating suporta sa pambansang kapulisan para maawat ang masamang hangarin ng mga tiwa­ling politiko para lamang manalo sa darating na halalan.

Kapag may nasaksihan tayong bilihan o bentahan ng boto, agad natin itong ipagbigay-alam sa mga kinauukulan para maabatan.

Hindi tamang dedma lamang tayo o magpatay-malisya sa mga iregularidad na nangyayari sa ating paligid.

Kailangan nating kumilos, makipagtulungan sa mga awtoridad para mahadlangan ang masamang binabalak ng mga politikong nagpapagana ng pera tuwing eleksyon para lamang manalo.

Saludo din tayo kay PNP Chief Ro­nald Albayalde dahil sa pagpapa­lakas ng kanilang puwersa para naman tutukan ang laganap na vote buying lalo na ngayong papalapit na ang halalan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy