Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Isulong ang karagdagang pondo para sa edukasyon

0 232

Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, trabaho nating tiyakin na ang budget para sa sektor ng edukasyon ay angkop sa new normal sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo sa distance learning, pagpapalawig ng paggamit sa internet at pangangalaga sa kalusugan ng ating mga guro, school officials, at mga mag-aaral.

Kaya kasalukuyang isinusulong ng inyong lingkod ang paglalaan ng hanggang anim na porsyento ng Gross Domestic Product (GDP) para sa pangkalahatang budget ng sektor ng edukasyon sa susunod na taon kaugnay ng pagbangon ng sektor mula sa pinsala ng pandemya. Ito ay kasunod ng rekomendasyon ng United Nations sa ilalim ng Sustainable Development Goal 4 (SDG 4).

Nakalaan ang pondong 759 bilyong piso para sa sektor ng edukasyon ngayon taon, katumbas ng apat na porsyento ng GDP.

Malaking bahagi ng pondong ito ay para sa basic education na katumbas ng 3.2 porsyento ng GDP.

Bilang pagtugon sa rekomendasyon ng UN, naniniwala tayo na ang mabisang paglalaan ng mas malaking pondo ay para maiangat ang kalidad ng edukasyon, lalo na sa lokal na lebel. Bukod dito, iminumungkahi rin natin ang paglalaan ng sapat na pondo para sa tinatawag na vulnerable groups at gawing angkop ang pambansang budget para sa new normal.

Nakita naman na natin ang epekto ng hindi sapat na pondo sa academic performance ng ating mga estudyante sa pamamagitan ng mga nagdaang global assessments. Ayon sa datos ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), ang Pilipinas ay naglalaan ng mahigit 8,000 piso kada mag-aaral na may edad na anim hanggang 15 sa kabuuang panahon ng kanilang pag-aaral.

Sa Singapore, mahigit 100,000 piso ang ginagasta kada mag-aaral. Sa 79 bansang lumahok sa PISA, ang Singapore ang nakakuha ng pangalawang pinakamataas na marka (549) sa Reading samantalang pinakamababa naman ang markang natanggap ng Pilipinas (340).

Upang madagdagan naman ang pondo sa edukasyon sa ilalim ng mga lokal na pamahalaan, isinusulong natin ang Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act upang mapalawig ang paggamit ng Special Education Fund (SEF).

Sa ilalim ng naturang panukala, ang SEF ay maaari na ring gamitin para sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan, non-teaching, utility at security personnel.

Kabilang din dito ang pasweldo sa preschool teachers, capital outlay para sa preschool, pagpapatakbo ng Alternativ Learning System (ALS), distance learning at mga programa para sa pagsasanay ng mga guro.

Leave A Reply

Your email address will not be published.