Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Isulong ang Inclusive Education para sa mga learner with disabilities

0 116

Niratipikahan na ng bicameral conference committee ang panukalang batas na layong tiyaking makatatanggap ng dekalidad na edukasyon at mga karampatang serbisyo ang mga mag-aaral na may kapansanan. Magdudulot ng mahalaga at makasaysayang reporma ang naturang panukala kapag isa na itong ganap na batas.

Niresolba ng bicam report ang mga pagkakaiba ng House Bill No. 8080 at ang ipinanukala ng inyong lingkod na Senate Bill No. 1907 na pinamagatang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”

Sa ilalim ng panukalang batas, titiyakin ng bawat pampubliko at pribadong paaralan na bawat mag-aaral na may kapansanan ay magkakaroon ng equitable access pagdating sa edukasyon. Nakasaad din sa panukalang batas na hindi mapagkakaitan ang mga mag-aaral ng pagkakataong makapasok sa isang paaralan dahil sa kanilang kapansanan.

Isasaad sa gagawing implementing rules and regulations (IRR) ng panukalang batas ang mga minimum services at mga kondisyon na dapat sundin sa mga admission system at policy ng lahat ng paaralan. Kasama dito ang probisyon ng assistive devices, mga pasilidad at imprastraktura sa admission process, mga iba’t ibang anyo ng reasonable accommodation, at iba pa.

Related Posts

Layon din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng mga Inclusive Learning Resource Centers of Learners with Disabilities (ILRC) kung saan ang mga mag-aaral na may kapansanan ay maaaring makatanggap ng mga libreng support services. Ang mga ILRC rin ang magpapatupad ng iba’t ibang mga programa para sa inclusive education.

Sa naturang panukala, kailangang makipag-ugnayan ang Department of Education (DepEd) sa mga local government units (LGUs) upang magpatayo at magpatakbo ng isang ILRC sa lahat ng lungsod at munisipalidad. Maaari namang magpatayo ng ILRC sa bawat schools district ayon sa pangangailangan ng mga LGU at kung may sapat na pondo.

Magkakaroon ang bawat ILRC ng multidisciplinary team na kabibilangan ng mga educational psychologists, guidance counselors, developmental pediatricians, physical therapists, speech and language therapists, special needs teachers, at iba pang allied medical professionals.

Ito ang pinakamagandang regalo natin sa ating mga mag-aaral na may kapansanan at kanilang mga pamilya. Sa pamamagitan ng panukalang ito, matitiyak nating hindi na mapagkakaitan ng edukasyon at mahahalagang mga serbisyo ang ating mga kabataan at mag-aaral na may kapansanan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.