Una sa Balita

Istorya ng Pag-asa, kuwento ng inspirasyon at pagbabago

0 431

Katatapos lang ng ikalawang Istorya ng Pag-asa Film Festival (INPFF) na pinamunuan ni VP Leni Robredo at talagang nakaka-proud makita ang pagsisikap ng lahat ng mga sumali.

Mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas ang mga entries na natanggap namin, mayroon ding galing sa ibang bansa. Iba-iba man ang tema ng mga short film, iisa lang ang naiparating ng mga ito sa ating mga manonood: ang kahalagahan ng pag-asa.

Mayroon tayong ni-review na 93 entries, at mula dito namili ng 10 na ipinalabas noong nakalipas na Sabado sa gala night. Mula dito, pumili ng mga special awards at siyempre ang Best Film.

Ang short film na “Ka Dodoy” ang nanalo bilang Best Film, at nakatanggap ng special awards tulad ng Best Cinematography at Ayala Foundation Community Development Award.

Umiikot ang istorya ng short film ni Meg Serranilla at Mark Aposaga sa kuwento ni Ka Dodoy, chairman ng Kapunu­ngan sa mga Gagmay ng Mangingisda sa Conception at ang naging problema nila sa kanilang hanapbuhay.

Sa munispyo ng Kabasalan sa probinsya ng Zamboanga Sibugay, matagal nang problema ang pagkawala ng mga isda. Malaking bahagi nito ang pagkasira ng mga mangrove kung saan sila nakatira at na­ngingitlog.

Kuwento ni Ka Dodoy, 1994 nang magtulong-tulong ang komunidad at nagtanim sa halos 50 ektarya para buhayin ang mangrove. Unti-unting dumami ang mga isda, at kasabay nito, dahan-da­han din ang pagba­ngon ng mga mangingisda at mga pamilya nila.

Maliban sa cinematography at iba pang teknikal na aspeto ng short film, malaking bagay ang ipinakitang kuwento ng pag-asa at pakikipagtulungan ng ‘Ka Dodoy’.
Dito pinakita kung paano natin mababago ang kinabukasan hindi lang ng ating pamilya, kung hindi pati ng ating komunidad basta’t patuloy tayong maniniwalang may pag-asa at kikilos tayo sa direksyon nito.

Sa ngayon, patuloy ang paglago ng pangi­ngisda sa munisipyo ng Kabasalan, at ito ay dahil sa patuloy na pakiki­pagtulungan ng mga komunidad at ng LGU, pati na ng mga pribadong organisasyong nagnanais pang lalong makatulong.

Isang inspirasyon ang kuwento ng ‘Ka Dodoy’ lalo pa’t sumunod sa yapak ang mga katabing munisipyo para mapa­lakas din nila ang pangi­ngisda sa kanilang bayan.
Dahil narinig at natutunan ng mga karatig-bayan ang kuwento nila Ka Dodoy, sila rin ay gumagawa ng paraan para maparami muli ang mga isda, at mapalaki ang kita ng mga mangingisda nila. Dahil sa kuwento ng pag-asa, may inspirasyon at paraan para magbago.

Sabi nga ni VP Leni noong gala night, “Ang istorya ng bawat Pilipino ay istorya ng tagumpay at pag-asa.”

“Sa ating pagtutulu­ngan, kaya nating lagpasan ang anumang problema at gawing mas maginhawa ang buhay ng bawat isa. Kahit minsan, ang pakiramdam natin ay tila unti-unti nang nawawala ang liwanag ng pag-asang ating pinaka-iingatan, kumakapit tayo sa iisang paniniwala: na sa huli, ang mabuti ang siyang mananaig,” dagdag niya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy