Una sa Balita

ISPORT LANG!: Wanted: Back up ni Blatche

By
0 2

Uupo at masinsi­nang mag-uusap sila Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio at national coach Chot Reyes ngayong linggo.

Top of the agenda ng miting ni Reyes at SBP president Al Panlilio ang planong kumuha pa ng isang naturalized player na tutulong sa kampanya ng Pilipinas para sa isang slot sa 2019 Fiba World Cup sa China.

Hindi naman sa papalitan na si naturalized player Andre Blatche sa Gilas line up kundi back up lamang nito ang  isa pang kukunin na naturalized player.

Kasama pa rin daw si Blatche sa Gilas line up kaya lang tila may problema sa kanyang kontrata sa Chinese Basketball Association (CBA). Conflict ito sa six-window qualification stage ng Fiba na sisimulan sa Asia Cup sa Beirut sa Agosto.

Ito ang dahilan kaya gustong makasiguro ni Panlilio na may back up si Blatche sakaling magka-problema ito sa Chinese League.

Bago nga sinimulan ang katatapos na SEABA Championships na pinagharian ng Gilas, ilang beses ring nabalam ang pag-uwi ni Blatche para sa preparasyon sa torneo.

Una, hindi kaagad siya nakabalik ng Pilipinas dahil pumasok sa kampeonato at tinanghal na kampeon ang kanyang team sa CBA. Tapos nagmamadali siyang pumunta ng US dahil manganganak ang kanyang asawa.

Kaya nga ilang araw lamang nakapag-ensayo si Blatche at sumabak na sa totohanang laro. Buti na lamang kayang-kaya ang mga kalaban. Puro nga tambak ang lahat ng nasagupa ng Gilas.

Tatlo yata ang ina­asinta ni Panlilio at Reyes na ilagay sa pool para pagpilian nila at mukhang kabilang dito ang isa sa mga import na naglalaro sa on-going PBA Commissioner’s Cup.

Ka-bracket natin sa Asia Cup sa Lebanon ang matagal na na­ting karibal na Japan at Chinese Taipei at ang Oceania powerhouse na Australia.