Una sa Balita

ISPORT LANG!: Sports stakeholders mag-uusap-usap

By
0 2

May malaking paabala ang Philippine Sports Commission sa Sept. 1-2 na idaraos  sa Sheraton Hotel sa Maynila at involve dito ang mga sports stakeholders sa bansa.

Nag-imbita si PSC chair Butch Ramirez para sa isang espesyal na pagtitipon na tatawaging Top Level Consultative Meeting on the  Proposed Master Plan for Philippine Sports and Set-up of the Philippine Sports Institute.

Sa totoo lang, hindi lamang ang mga taong may kinalaman sa sports sa bansa ang imbitado ni Ramirez kundi maging ang media at ang sector ng edukasyon at pribado.

Tatalakayin sa pagtitipon  ang mga  karanasan pati na ang na­ging mga pagkukulang ng Phi­lippine sports partikular sa mga kabiguan sa paglahok sa mga international competitions.

Hindi na  bago sa a­ting pandinig ang ganitong espesyal na pagpupulong  para sa kabutihan ng Philippine sports dahil ginawa na rin ito noong panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos.

Ang tawag nila dito noon  ay Philippine Sports Summit na ginanap sa Baguio City. Kaya lang walang i­binunga ito at tuluyang nabaon na sa limot.

Ngayon, ang maganda dito sa  pulong ng iba’t ibang stakeholders ay ang muling pagbuhay sa Philippine Sports Institute at ang paggawa ng mga polisiya na magiging gabay ng gobyerno sa pagpapa-unlad ng sports sa bansa.

Tiyak na may magtatanong kung ano na ang mangyayari sa PSC sakaling maitatag ang Philippine Sports Institute.

Napapanahon din ang hakbang na ito ng PSC dahil nakasakay pa ang buong bansa sa silver medal performance ni weightlifter Hidilyn Diaz sa Rio Games at tiyak na ganado ang mga stakeholders sa pagba­langkas ng mga polisiya.

Isa lang ang pa­nalangin ng Isport Lang!  na sana hindi ito matulad sa Sports Summit na nakabuo ng Magna Carta for Philippine Sports pero  tila wala namang ibinu­ngang maganda.