Una sa Balita

ISPORT LANG!: POC election matutuloy ba?

By
0 3

Habang papalapit ang POC elections sa Nobyembre 25, lalong tumataas ang kaba o agam-agam kung matutuloy ba ito.

Sa petsang ito rin kasi itinakda ang senate committee hearing sa pangunguna ni Fighting senator Manny Pacquiao ‘in aid of legislation’ sa umano’y unli­quidated funds na ibinigay sa POC ng PSC na nagkakahalaga ng tumataginting na P126.6 million mula 2010 hanggang ngayong taon.

Diringgin din nina senator Pacquiao, sa bisa ng ini­haing resolusyon ni senator Sonny Angara ang ginawang pag-disqualify kay ABAP president Ricky Vargas para tumakbong kalaban ni Peping Cojuangco sa panguluhan ng POC. Si Cojuangco ay nagha­hangad ng ikaapat niyang termino.

Sinasabi sa resolusyon ni Angara na mahalaga na mabigyang-linaw ang dalawang issue dahil apektado nito ang pag-unlad ng Philippine sports na pinanggagalingan ng ating ‘national pride, inspirasyon at instrumento sa nation-building.’

Sa tingin ng kampo ni Vargas at nang nakararami wala sa katuwiran ang ginawang pag-disqualify sa ABAP president ng POC election committee na halatang nakakiling o kampi sa incumbent president.

Katuwiran ng POC Comelec, bigo si Vargas na matugunan ang ‘active membership’ sa General Assembly meetings provision sa ilalim ng POC by-laws.

Isa rin sa pinakaka-abangan ay kung mailalabas ang TRO (Temporary R­estraining Order) sa tamang oras, tiyempo sa araw ng eleksyon.

Ayon sa abogado ni Vargas kailangan nila ang TRO upang madetermina kung sino ang tama o  mali.

Maganda ring abangan kung ang hakbang na ito ng kampo ni Vargas ay mauuwi sa sanction ng International Olympic Committee (IOC)  tulad ng nangyari sa Indian Olympic Association  noon dahil sa magulong proseso ng eleksyon.