Una sa Balita

ISPORT LANG!: Pangiliti ni Arum

0 154

Kung pangingiliti sa fans, wala nang tatalo kay Top Rank big boss Bob Arum.

Ilang araw lamang makalipas na isara at kumpirmahin ang Nov. 5 comeback fight ni Sena­tor Manny Pacquiao kay WBO welterweight champion Jesse Vargas ay nagsimula na ang pangingiliti ni Arum.

Dahil nga siguro sa hindi magandang pagtanggap ng fans sa Pacquiao-Vargas fight, kinailangan ni Arum na mag-isip ng paraan para gumaan ang loob ng mga ito.

Tahasang sinabi ni Arum na next year ay may dalawang laban pa ang senador. At isa nga daw dito ay rematch kay Floyd Mayweather Jr.

Kuwidaw ka, walang kagatol-gatol na sinabi ni Arum na tiyak na mananalo si Pacquiao sa rematch.

Parang sinigundahan lang ni Arum ang sinabi noon ng Hall of Fame trainer na si Freddie Roach na walang dudang mananalo si Pacquiao kay Mayweather kung 100% condition ang Pambansang Kamao.

Ibig sabihin kung walang injury ang 8-division world champion ay tiyak ang tagumpay nito kay Mayweather.

Kung sabagay, nakita naman ng buong mundo ang nangyari sa labang ‘yun, kung saan na-ope­rahan at nagpahinga ng isang taon ang senador sa pagboboksing.

Nasulat na rin sa kolum na ito na ang laban ni Pacquiao kay Vargas ay silbing pampagana lamang dahil talagang ang target ni Pacquiao ay rematch kay Mayweather.

Kaso tila wala na talaga muna sa isip ni Mayweather ang pagbabalik-boksing sa ngayon.

Base ito sa sinabi ni Roach na nang magkita sila sa isang restaurant sa LA mahigit isang buwan na ang nakaraan, nabanggit niya ang boksing, pero ang sagot sa kanya hindi na daw nadalaw man lamang sa gym si Mayweather matapos ang laban nila ni Pacquiao.

Nakakapagtaka rin na magiliw daw sa kanya si Mayweather at hindi supladito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More