ISPORT LANG!: D’ best ang Gilas

By

Patuloy ang pamama­yagpag ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon.

Ngayong araw ng  Linggo ang laban ng Gilas kontra Qatar, ang huling assignment nila sa Group B.

So far, wala pang talo ang Gilas sa nakalipas na dalawang laro at sigurado na rin ang pagiging No. 1 nila sa Group B.

Kuha  na rin  ng Gilas ang all-important bye sa susunod na round at sa kartada nilang 2-0, malabo na silang maibabawan pa ng China at Qatar sa tie break kahit pa matalo sa mga Qataris.

Out of contention na rin ang Qatar sa dalawang slot na pinaglalabanan sa Group B matapos dumapa sa China, 67-92, noong Biyernes.

Biyernes rin pinadapa ng sandatahang lakas ni coach Chot Reyes ang mga Iraqis, 84-68, sa pangunguna ni Terrence Romeo, Carl Cruz, at Fil-German Christian Standhardinger.

Follow-up  ito sa  kanilang shock win sa  China, 96-87, noong Miyerkules. Si Romeo rin ang susi sa panalo ng Gilas sa mga Chinese.

Pero teka, gaano ba talaga ka-importante ang FIBA Asia Cup, na dating Asia Championships?
Ang FIBA Asia Cup, kung tutuusin ay mas prestihiyoso pa kesa sa manalo ka ng gold medal sa Asian Games.

Bakit? Ito ay dahil sa pinalawak pa ang sakop nito o ‘yung tinatawag na expanded zone dahil sa paglahok ng New Zealand at Australia.

Kaya lumalabas na ang Pilipinas ang pambato ng Southeast Asian region sa Asia Cup dahil tayo ang kampeon ng SEABA Championships.


Sa kabila na hindi qualifier ang FIBA Asia Cup sa Olympics o maging sa World Cup, ito naman ang basehan sa world ranking na makakatulong sa palabunutan (draws) sa kung aling bansa ang makakagrupo natin sa qualifying round sa World Cup.

Sa pamamagitan rin ng FIBA Asia Cup, masusukat rin ang mga kagrupong bansa ng Pilipinas sa home-and-away qualifiers sa World Cup kung saan kagrupo natin ang New Zealand at Australia.

Kuha na ninyo, kaya kahit na puro problema ay pinilit ni coach Chot na makapunta sa Beirut joust.

SHARE