ISPORT LANG!: Aligaga sa 2023 World Cup

By

Ang Pilipinas na pala ang lead country sa tatlong bansa dito sa Asya na magtatangkang makipag-bid sa pag-host ng 2023 FIBA World Cup, kasama ang Indonesia at Japan.

Katunayan, may mga taga-FIBA na pala ang nagtungo dito sa Pilipinas mula Switzerland at nag­daos ng two-day World Cup bid workshop kamakailan lang.

Bale tatlong FIBA officials ang nagsasagawa ng workshop sa pangunguna ni FIBA Central Board member Ingo Weiss ng Germany.

Siyempre, dumalo dito ang mga opisyal ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Nag-inspection rin ang FIBA team sa Smart Araneta na pagdarausan ng mga laro sakaling mai-award sa Pilipinas ang hosting at ang Novotel na kanugnog lang ng coliseum na tutuluyan ng mga players.

Nauna nang nagdaos ng two-day seminar ang FIBA team sa Japan bago pumunta ng Maynila.

Matapos ang Maynila ay sa Jakarta naman nagpunta ang mga FIBA officials para naman sa ikatlong yugto ng workshop.

Alam na rin ng FIBA na ang Pilipinas ang may hawak ng manibela ng pagsisikap na mga Asian-member countries na magho-host ng 2023 WC.

Mahigpit na karibal ng Pilipinas sa World Cup bidding ang Russia, Turkey at partnership ng Uruguay at Argentina.

Sa ngayon, mahirap pang mahulaan ang pulso ng FIBA sa magho-host ng FIBA 2023 WC dahil hanggang Aug. 31 pa ang deadline ng submission ng mga gustong sumali sa bidding.


Sa October naman ang audio-visual presentation kung saan ang Pilipinas ang siyang magsasagawa ng tinatawag na overview, samantalang ang Indonesia at Japan ay gagawa rin ng magkahiwalay na presentasyon na naayon sa diskarte ng Pilipinas.

Sa September 11 hanggang October 12, 2023 gaganapin ang FIBA World Cup.

SHARE