Una sa Balita

ISOLI LAHAT NG NINAKAW!

0 126

Nanindigan ang mga mambabatas na ang lahat ng umano’y ninakaw ni dating Pa­ngulong Ferdinand Marcos at ng pamilya nito ang dapat isoli sa kaban ng bayan at hindi ang kakarampot na bahagi ng kanilang ill-gotten wealth.

Reaksyon nila ito sa isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang emisaryo ng mga Marcos ang kumausap sa kanya at nagpasabi na handa ang pamilya na isoli sa gobyerno ang ilang bahagi ng kanilang yaman.

“Walang dahilan na maniwala tayo sa sinseridad ng mga pamilyang Marcos. Isauli nila ang nakaw na yaman at hu­mi­ngi ng kapatawaran sa mga kasalanan ng diktadura at dun lang natin paniniwalaan ang kanilang sinseridad,” diin ni Sen. Francis Pa­ngilinan.

Sinabi naman ni Sen. Bam Aquino na para maka-move on na sa usapin ng tagong yaman ng pamilya Marcos, bukod sa pagsoli ng lahat ng kanilang ninanakaw, aminin din ng pamilya na nagnakaw sila ng pera ng gobyerno.

“Dapat lang ibalik talaga `yan. Now ang tanong magkano po ang porsyentong ibabalik baka naman yung ibabalik po dyan kakarampot lang dun sa totoong ninakaw sa atin,” babala ni Aquino.

“Mahalaga sa ating kasaysayan yung pagbabalik po ng perang ninakaw. Kinakailangan ng ating bayan yan to be able to move forward, yung admission na ninakaw po yan at yung pagbabalik po ng pera mahalaga,” dagdag pa ng senador.

Hindi naman matanggap ni Aquino ang paliwanag umano ng pamilya Marcos na pinoprotektahan lang nila ang ekonomiya ng bansa nang tangayin ang pera at mga ginto noong na-exile si Marcos sa Hawaii kasunod ng EDSA People Power Revolution.

Sinabi ni Aquino na kung pinoprotektahan nila ang ekonomiya ng bansa, bakit hanggang ngayon ay hindi pa nila ibinabalik ang ninakaw na pera ng gobyerno.

“Well, magandang development `yan, pero sana… huwag sana kapiraso lang, `yung buo na,” komento naman ni House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez dahil base umano sa pahayag ni Pangulong Duterte, hindi malaki ang ibabalik ng mga Marcos na yaman subalit makakatulong sa deficit ng gobyerno.

Walang malinaw na halaga kung magkano ang halaga ng Marcos wealth na nais nilang ibalik sa gobyerno subalit batay sa mga report, naglalaro ito sa US$5 billion hanggang US$10 billion.

“Hindi lamang ito usapin ng pagsasauli ng ilang pirasong ginto. Recovering the Marcoses’ ill-gotten wealth is just one aspect of the campaign to hold them accountable for the atrocities that were committed during Martial Law,” ayon Sen. Risa Hontiveros.

Ang pagbawi umano sa nakaw na yaman ng mga Marcos ay dapat laging nakakabit sa panawagang papanagutin ang pamilya sa kanilang mga kasalanan sa sambayanan at pagbibigay ng hustisya sa lahat ng biktima ng Martial Law.

Hinamon naman ni Albay Rep. Edcel Lagman ang pamilya Marcos na mag-isyu ng confirmatory statement kung may katotohanan ang naging pahayag ni Pangulong Duterte.

Aniya, hanggang walang pagkumpirma ang pamilya Marcos at kung magkano ang ibabalik na halaga ay mananatiling malabo pa ang anunsyo ng Malacañang.

“Dapat malinaw din kung ano ang kondisyon ng pag-turn over ng ill-gotten wealth,” ayon pa kay Lagman.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy