Una sa Balita

Iskul sa Tate nakamatyag kay Sotto

By
0 1,225

Maraming bumilib nang magpakitang-gilas ang 7-foot-1 center na si Kai Sotto sa nagdaang 2018 FIBA Asia U-16.

May mga nagsasabing isa ang 16-anyos sa mga susunod sa yapak ni Yao Ming at tutulong na muling mailapag ang Asya sa NBA.

Maaari na itong magkatotoo lalo’t maugong na ang usapan sa forum ng Gonzaga University, isang kilalang NCAA Division 1 school sa Tate, na bantay-sarado na ng kanilang international scout na si Tommy Lloyd ang binata.

Kilalang mahilig sa foreign ­talent si Lloyd na naging ­tulay nina Lithuanian Domantas ­Sabonis at Canadian Kelly Olynyk upang makatuntong sa NBA.

Sa 17 puntos, 13.5 rebounds at 2.5 blocks averages ni Sotto sa FIBA Asia U-16, hindi kataka-taka na may makakapansin sa laro ng tinaguriang “Kaiju”.

Nakaposte na rin sa nasabing forum ang mga naging laro ni Sotto at umani ng papuri sa komunidad ng Gonzaga na inihahalintulad pa ang galaw kay Knicks forward Kristaps Porzingis.

Ngayong marami nang mata ang nakatutok kay Sotto, asahan na papasiklab ulit ito sa FIBA U-17 World Cup na magsisimula sa Hunyo 30 sa Argentina.