Una sa Balita

ISKO initsapuwera sa award

0 625

DALAWANG taon bago ang 2022 presidential elections, mistulang sinimulan na ang demolition job kay Manila Mayor Isko Moreno matapos lumabas ang listahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga pumasa sa Good Financial House­keeping (GFH) kung saan hindi kabilang ang lungsod.

Ilang taga-city hall ang nagsabing tinatrabaho na si Isko upang hindi ito makaporma sa halalan sa 2022. Ang pagsikat ni Moreno sa loob lamang ng isang taon na panunungkulan nito ay nagbigay umano ng sakit ng ulo sa mga kaalyado ng administrasyon na nagbabalak na tumakbong bise presidente o presidente ng bansa sa susunod na halalan.

Agad namang nilinaw ni Moreno ang nasabing report at iti­nuro ang nakalipas na administrasyon kaya nabigo ang Lungsod ng Maynila na makasama sa 2019 GFH na inilabas ng DILG noong Pebrero 14.

Sakop umano sa report ng DILG ang taong 2018 at unang quarter ng 2019 kung saan si dating Pangulong Joseph Estrada pa ang nakaupong alkalde noon.

Sinabi pa ni Moreno na isa itong oportunidad sa kanila na pagbutihin pa ang kanilang trabaho dahil hindi siya papayag na manatili ang nakakadismayang performance.

“It’s not happening under my watch,” ayon pa sa alkalde.

Nabatid na pinulong na niya ang local finance committee para magtrabaho at ayusin ang mga kalat na iniwan ng nakalipas na administrasyon.

Nangako si Moreno sa mga residente ng Maynila na pagbubutihin ng kanyang admi­nistrasyon ang pagtatrabaho.

Ipinagmalaki naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang DILG report at sinabing hindi nagawa ng kanyang pinalitan sa puwesto.

“Hindi ito nakuha ng Pasig noong 2018. Patunay ito sa mga pagbabagong pinapakilala natin sa lokal na pamahalaan. We now meet public accounting and auditing standards,” tweet ni Vico.

Ang Metro Manila ay mayroong 17 siyudad at munisipalidad at ang Lungsod ng Maynila lamang ang hindi nakapasa sa GFH. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More