Una sa Balita

Isko: Epal na politiko sa iskul baklasin!

0 300

PINATATANGGAL ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso,ang lahat ng pangalan ng politiko na nakalagay sa mga pader ng lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at high school sa Lungsod ng Maynila.

Ito ang ibinigay na direktiba ni Domagoso sa isinagawang pakikipagpulong sa City School Board na ginanap sa Manila City Hall nitong Martes, Hul­yo 9.

Ang hakbang ay bahagi ng adbokasiya ng alkalde na ihiwalay ang public education mula sa tradisyunal na pamumulitika.

“Huwag natin pulitikahin ang ating mga paaralan. Let’s leave politics to politicians, and our educational institutions to academicians,” saad ni Moreno sa mga miyembro ng City School Board.

“Walang epal sa pader ng eskuwelahan. Walang epal sa mga basketball court, gymnasium na pinagawa ng mga politiko sa loob ng eskuwelahan. Bawal ang epal. Tigilan na natin ‘yan,” ayon kay Domagoso.

Pati umano pangalan ni Domagoso ay kanyang pinapatanggal sa mga paaralan.
“Pinatatanggal ko lahat ng pangalan, ultimo ang pangalan ko at pangalan ng mga politiko, na nakapintura o nakakabit sa mga eskuwelahan,” ayon sa alkalde.

“Lahat ng mga naglalagay na politiko ng kanilang mga pangalan as if you are immortali­zing yourself or as if it is your money, that is not your money. Pera ‘yan ng taumbayan,” dagdag pa ni Moreno. (Juliet de Loza-Cudia/Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy