Una sa Balita

Isko bagsak sa lagnat, ubo

0 536

NAGING limitado ang aktibidad ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso matapos nitong dapuan ng matinding ubo.

Ilan sa schedule ni Moreno ang kinansela dahil sa pagkakaroon nito ng ubo at lagnat kaya minabuting magpahinga muna.

Sa kabila naman ng dinaranas na sakit, pa­tuloy pa rin si Moreno sa pagpirma sa napakaraming dokumento na dinala sa kanyang tanggapan.

Nabatid na maging ang mga netizen ay pinayuhan si Moreno na magpahinga na muna dahil ‘over fatigue’ na umano ang alkalde dahil hanggang madaling-araw ay umiikot ito sa Maynila para tingnan ang kondisyon ng kanyang nasasakupan.

Gayunman, bilang tugon sa mga netizen­ na nagpahatid ng malasakit sa kalagayan ni Moreno, sinabi ng alkalde na wala silang dapat ipangamba at kayang-kaya niya ang kanyang sakit.

Hinikayat pa nito ang lahat ng kapitan ng barangay sa Maynila na tumulong sa paglilinis ng kapaligiran, bilang tugon sa pana­wagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing palagian ang paglilinis.

“‘Masuwerte kayo nagkaroon kayo ng mayor na basurero…specialty natin ang paglilinis,” pahayag pa ni Moreno.

Binanggit pa ni Moreno na noong nakaraang administrasyon ay nanlilimahid ang lungsod ng Maynila dahil sa napakarumi nito. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy