Una sa Balita

Isko bagay sa MMDA

0 445

Sa gilas na ipinapa­kita ni Manila Mayor Isko Moreno tama ang opinyon ng ilan na mas swak ito kung naging chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sayang at ngayong mayor na siya ng Maynila nakita ang kanyang kakayahang mangasiwa sa pagpapaganda ng isang lokalidad gaya ng Maynila.

Aba’y kung kaya ni Mayor Isko linisin at patinuin ang Maynila mukhang kaya rin niya itong gawin sa Metro Manila.

Sa dami ng naging chairman ng MMDA at naging mayor sa Metro Manila tanging si Mayor Isko lamang ang nakitaan natin ng political will.

Sabi nga ni Senador Ralph Recto hindi na kailangan ng Charter Change o pagbabago sa ating Saligang Batas para maiayos ang problemang kinakaharap ng bansa dahil nagawa ito sa ilalim ng ilang linggo pa lamang na pamumuno sa Maynila ni Mayor Isko.

Wish ko lang na lahat ng mayor hindi lang sa Metro Manila ay magkaroon ng katulad na dedikasyon o sinseridad na ipinapakita ngayon ni Mayor Isko para naman lahat ng bayan o siyudad ay tumino at maramdaman natin ang tunay na pagbabagong ating hinahanap sa isang bagong lider.

***

Sa kabilang banda nais ko uli pag-usapan ang karera sa pagka-Speaker na una na­ting inakala ay natapos na matapos na mamili si Pangulong Rodrigo Duterte ng pambato ng kanilang partido sa katauhan nina Taguig Rep. Alan Peter Ca­yetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Aba’y hindi pa pala dahil sa ilang kongresistang bitter at hindi tanggap ang naging desisyon ng pangulo.

Paano kasi matapos ang anunsyo ay nagpa­kawala agad ng bala ang kampo ng isang aspirante sa posisyon na si Leyte Rep. Martin Romualdez nang ibunyag sa media ng kanyang kaalyadong si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang sinasabing isang text message mula kay Davao City Mayor Sara Duterte.

Nakuhanan ng picture at video ang screen ng smartphone ni Congressman Defensor at ito ang nilalaman: “Hi sir! I have the go signal of Mayor Inday to publish. ‘Kaya nanawagan siya ngayon sa lahat ng mga Congressmen na bumoto ayon sa kanilang kagustuhan dahil ang kanya ama ay na set-up lamang ng mga gahaman na gabinete na kaalyado ni Cayetano.’ – Mayor Inday.”

Ayon sa kinatawan ng Anakalusugan, ipinadala sa kanya ang text message ng isang baguhang kongresistang taga-Davao na ‘very close’ sa presidential daughter.

Nangyari ang pagbubunyag ni Defensor sa farewell party ni Gloria Macapagal-Arroyo noong Martes ng gabi. Nag-backfire ang bala sa kampo ni Martin dahil nagalit si Mayor Sara at kanyang sinabihan si Defensor na tigil-tigilan na ang pang-iintriga at pangalanan kung kanino galing ang text message upang malaman ng mga tao ang katotohanan.

May I sorry agad si Defensor kay Mayor Sara pero mukhang hindi sincere dahil hindi niya pa rin ibinisto ang kanyang source.

Sa takbo ng pangyayari mukhang hindi katanggap-tanggap sa Martin camp ang desisyon ni Presidente Duterte. Ibig bang sabihin nito ay umaasa silang mababago pa ang sitwasyon kung magsasalita si Mayor Sara?

Maitanong lang, sino ba ang pasimuno ng imbentong misteryosong text message? Naku, Cong Defensor ingat-ingat din ‘pag may time, mahirap nang maitanggi sa mga panahong ito lalo na’t masyado nang mabilis ang teknolohiya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy