Una sa Balita

Isipin ang sakay ng ambulansiya

0 280

Tumaas ang kilay ng isa nating tsokaran sa sinabi ng isang mataas na opis­y­al na dapat gumamit ng helicopter ang mga may pasyenteng isinusugod sa ospital para hindi maipit sa trapik.

Napaulat kasi kamakailan na literal na nakamamatay ang trapik [hindi dahil sa bugnot o pagkainip] kung hindi dahil sa mga pasyenteng sakay ng ambulansiya na hindi kaagad madala sa ospital dahil naipit sa trapik.

Kung minsan kasi, may mga motorista at tsuper na sadyang walang pakialam sa iba o ‘di naman kaya eh hindi nila alam ang patakaran na dapat silang tumabi upang makadaan ang mga ambulansiya. Pero may mga pagkakataon din naman na dahil sa sobrang sikip talaga ng kalsada, walang paraan para makatabi ang mga sasakyan upang pasingitin ang ambulansiya.

Pero ibang usapan naman ang nag-viral na video kamakailan na makikitang hindi makausad ang ambulansiya na may pasyente dahil sa mga buraot na motorista, tsuper, at pati rider na nag-overtake sa dadaanan ng ambulansiya.

Ano kayang hakbang ang ginawa ng mga kinauukulang ahensiya laban sa mga mokong na driver na iyon? Tutal naka-video naman ang pangyayari, dapat na inisa-isa at pinagtiyagaan ng mga awtoridad na kunin ang plaka ng mga sasakyan at pinagmulta ang mga driver.

Kaya may mga moto­rista, tsuper at rider na gumagawa ng kabulastugan sa kalye ay dahil nakalulusot sila sa kanilang maling diskarte sa daan. Ang resulta pagtagal, nakakasanayan na nila at paulit-ulit na nilang gagawin.

Samantalang kung mayroon man lang sanang dalawa o lima sa mga sasakyan na sumalubong at humarang sa naturang ambulansiya na naparusahan o pinagmulta nang malaki, aba’y ibalita nila iyan at tiyak na magba-viral din. Bukod doon, matatakot na ang mga kolokoy na ulitin ang kanilang ginawa. Magiging halimbawa rin sila sa iba kaya tiyak na magdadalawang-isip nang gayahin ang mga buraot na driver at rider.

Sa totoo lang naman, kahit walang kasalubong na ambulansiya, aba’y bawal ang counterflow. Kaya kahit mga karaniwang motorista lang ang makakuha ng mga video ng mga sasak­yang nagka-counterflow, dapat tukuyin ang mga plaka nito at pagmultahin o ipatawad ng LTO o LTFRB para madala. Aba’y napakarami ng mga iyan.

Ang mga dashcam ng ibang motorista na ipo-post sa social media ang magiging CCTV camera ng LTO at LTFRB para mahuli ang mga pasa­way na motorista, tsuper at rider. Sa ganitong paraan, mas magiging epektibo ang kampanya para ipatupad ang disiplina sa kalye.

Sa report, nakarating naman nang buhay ang pasyente ng ambulansiya na hindi makausad dahil sa mga kulokoy na nag-counterflow. Pero dahil sa na-stroke pala ang pasyente at matagal din sa kalye, binawian din siya ng buhay pagkaraan ng ilang araw. Marahil kung mas maaga siyang nakarating sa ospital at nalapatan kaagad ng kailangang lunas, malay natin baka buhay pa siya ngayon.

Dahil nga marami na sa kalye natin ang nababarahan ng trapik, may isang mataas na opisyal na humirit na gumamit ng chopper. Wala namang masama sa mungkahi ng opisyal. Katunayan nga, chopper ang gamit ng marami sa Amerika kapag maghahatid ng pasyente lalo na kung talagang emergency. Iyon nga lang, Pilipinas tayo, at tiyak na hindi kakayanin ng mga kaanak ng pasyente ang gastos sa ganoong uri ng transportasyon.

Sabi ng kurimaw natin, makikita sa natu­rang opisyal na naliligaw raw ito sa realidad o katotohanan tungkol sa kalagayan sa buhay ng marami niyang kababa­yan. Dapat na naisip ng opisyal na mahihirap o kaya naman eh sakto lang ang kita ng marami niyang kababayan at hindi tulad niyang ubod ng yaman.

Kapag ang iba pang opisyal natin eh ganoon din mag-isip, ibig sabihin, ang mga tao na naman ang mag-a-adjust sa trapik para mabuhay ang pasyente. Pero sana ay tulungan ng mga motorista, tsuper at rider ang mga ambulansiya na maging epektibong tagasagip ng buhay, sa halip na tagahatid ng DOA—o dead-on-arrival. Ikaw rin, baka mahal mo pala sa buhay ang sakay ng ambulansiyang ‘di pinagbigyan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy