Una sa Balita

Isang sigaw para sa mas ligtas na mga lugar na pinagtatrabahuan

0 280

Nagdadalamhati ang buong bansa matapos ang pagpanaw ng batikang aktor na si Eddie Garcia, isa sa mga haligi ng Pelikulang Pilipino. Ito ay matapos madisgrasya ang aktor at direktor sa set ng binubuong palabas na ‘Rosang Agimat’ noong ika-8 ng Hunyo. Bago ako magpatuloy, nais kong ipaabot ang aking taus-pusong pakikiramay sa mga naiwan ni Ginoong Garcia.

 Magkakaiba ang epek­to ng pagkawala ni Eddie Garcia sa marami sa atin.

Bahala na ang mga batikang artista sa pagtalakay sa kanyang kakayanan at kagali­ngan bilang aktor. Para sa kolum na ito, nais kong pagtuunan ng pansin ang mga nangyari nang maaksidente ang aktor. Alam man ng lahat na aksidente ang nangyari, naniniwala akong panahon na upang talakayin natin ang kaligtasan ng pinagtatrabahuan ng bawat isang Pilipino. Hindi madalas pag-usapan sa bansa ang kaligtasan sa trabaho (occupatio­nal safety and health) ngunit dahil na rin sa marami nang mga insidente—kabilang na ang nangyari kay Ginoong Eddie Garcia—panahon nang pag-usapan ang kahala­gaan nito.

 Isa sa mga insidenteng ito ang nangyaring sunog sa Kentex Factory noong 2015 kung saang 74 katao ang ‘di nakalabas at tuluyang namatay. Matapos ang imbestigasyon, nalamang hindi maiiwasan ang pangyayari dahil hindi sumusunod sa standard safety protocol ang kompanya. Hindi tinuruan ng Kentex ang kanilang mga empleyado ukol sa ligtas na mga pamamaraan tulad ng earthquake o fire drill. Wala rin itong nilagay na fire alarm o sprinkler systems. Hindi rin nagtalaga ng emergency exits ang Kentex.

 Dalawang taon pagkatapos ng trahedya sa Kentex, naganap naman ang sunog sa New City Commercial Center sa Davao City na nag-iwan ng 38 biktima na karamihan ay mga ahente sa call center. Matapos ang im­bestigaston, natuklasan rin ang parehong mga problema: walang sprink­lers, sira ang mga fire alarms at hindi nadadaanan ang mga fire exits.

 Ayon sa mga datos na inilathala ng Phi­lippine Statistics Authority noong 2017, manufacturing pa rin ang pinakamapanganib na industriya para sa mga manggagawa. Ang sektor na ito ang mayroong pinakamataas na natalang aksidente ng mga manggagawa sa mga taong 2013 at 2015 sa bilang na 48.1% (23,641) at 50.4% (25,667). Marami rito ay ang pinsala sa kamay at braso.

 Susunod ang industriyang wholesale at retail trade sa bilang na 11% habang tig-10% sa hanay ng agrikultura, panggugubat, at pangi­ngisda. Madalas na pinsala sa mga industriyang ito ang pilay, bali, at malalim na mga sugat.

 Bilang tugon sa mga datos na ito, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act No. 11058 o ang Occupational Safety and Health Standards Law noong Agosto ng taong 2018. Layon ng batas na ito ang obligahin ang mga kompanya na siguraduhing ligtas ang pagtatrabahuan ng kanilang mga manggagawa. Dagdag pa rito ang pagbigay ng maha­lagang mga pagsasanay na pang­kaligtasan. Nais din nitong tapusin na ang mga mapang-abusong gawain ng mga kompanyang labis na pinapagod ang kanilang mga empleyado. Ang ‘di pagsunod sa batas na ito ay may parusang multa na P100,000.00 sa bawat isang araw hanggang sa matigil ang mga paglabag.

 Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan ng Occupational Safety and Health Center ang mga pangyayari sa pagpanaw ni Ginoong Garcia. Hindi ko pa­ngungunahan ang imbestigasyon. Nais ko lamang na himukin ang lahat ng mga may-ari ng mga kompanya na isaisip ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga empleyado at gawin ang lahat ng paghahanda at pag-ii­ngat upang panga­lagaan ang mga ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy