Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Isang petsa sa Agosto ng isang pamilya

0 200

Mainam na nga sigurong pag-usapan ito ngayong tapos na ang Agosto.

Sa amin sa Tarlac, itinuturing na taghirap ang Agosto. Ang aking lolo ay magsasaka at siyempre apektado ang panananim ng mga pagbagyo at pagbaha. At dahil maraming Tsinoy sa aming lalawigan, sumasabay din ito sa Hungry Ghost Festival kung kailan pinaniniwalaang gumagala ang mga kaluluwa. Napakalungkot na ang bahay ng aming angkan ay nasunog noong isang taon, 26 Agosto rin.

Sa kasasayan ng ating bansa, andaming makasaysayang pangyayari ang naganap ng Agosto, pangunahin na dito ang unang paglagablab ng himagsikan na naganap sa kabila ng pag-ulan noong 1896.

Pero may isang pamilya ang nagsasabi na sila ay kabado tuwing buwan ng Agosto. Sa partikular, isang petsa sa buwan na ito ay naging masalimuot sa kanilang kuwento.

Sa petsa na iyon ng Agosto, 1971, maaaring sabihing mapalad sila na ang kanilang ama na kasama sana sa isang rali ay hindi agad nakarating doon. Dalawang granada ang sumabog sa pagtitipon na ikinamatay ng siyam ay ikinasugat ng daan-daan pa kabilang na ang kanyang mga kaibigan at kapartido. Masakit ito para sa kanya pero maraming taon ang lilipas sasabihing siya pa ang naging sanhi nito nang walang matibay na ebidensya.

Sa petsa na ito ng Agosto, 1976, nakakulong na ang kanilang ama bilang isa sa mga detenidong pulitikal ng Batas Militar, nang mamatay naman ang kanilang lolo na ama ng kanilang ina.

Nakalaya man ang kanilang ama at nanirahan na sila sa Amerika, tila hinihila ang kanilang ama ng tawag ng kasaysayan na umuwi upang tumulong sa pagbabalik ng demokrasya sa bansa. Sa petsa na ito ng Agosto 1983, napaslang siya sa kanyang pag-uwi. Ang mga pangyayaring ito na sinundan ng dalawang milyong sa libing at ng dalawang milyon noong 1986 at marami pa sa buong bansa. Nabago ang kanilang matahimik na pamumuhay. Naging pangulo ang kanilang ina at nakamit nila ang pagtangi ng sambayanan ngunit nakamit rin nila ang mas malalaking hamon, mas mahihirap na mga pasya, mas mahirap na mga ekspektasyon, at matapos ang ilang taon, ang panlilibak ng ilan.

Naging pangulo rin ang isa sa kanila, at sa petsa na ito ng Agosto noong 2012, matapos ang tatlong araw ng pagkawala ng eroplano ng kaibigan ng kanilang pamilya, natagpuan ang bangkay nito. Ang kanilang kaibigan ay ang Kalihim Jesse Robredo.

Ang petsa ay Agosto Beinte Uno. Ang pamilya ay ang pamilya Aquino: Sina Ballsy, Pinky, Noynoy, Viel at Kris. Ang kanilang ama ay si Ninoy at ang kanilang lolo ay si Pepe Cojuangco. Ang kanilang ina na si Cory ay sa unang araw naman ng Agosto namatay noong 2009.

Nagbago ang kanilang buhay, at hindi maipagkakaila na ang mga pangyayaring sa kanilang pamilya ay nakaapekto rin sa ating bansa. Mabigat na papel kahit sa isang pamilya.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.