Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Isang paggunita kay Pnoy

0 131

Nitong Biyernes, Hunyo 24, ang anibersaryo ng pagkamatay ng isang mahusay, matapang, at matapat na pinuno: Si Pangulong Benigno Aquino III. Di ko inakalang lalo pa pala tayong malulungkot sa kanyang pagkawala, lalo na’t nagbabalik ang mga problemang pinagsikapang labanan ng sambayanan noong kanyang termino.

Kasama sa mga naging malinaw nitong mga nagdaang taon ang katotohanang kay bilis makalimot ng mga Pilipino. Meron pa kayang nakakaalala sa presyo ng gasolina at bigas noong panahon ni PNoy? May nakakapansin kaya na administrasyon niya ang nagsimula ng napakaraming proyektong ngayon pa lamang nakukumpleto? May makapaglilista kaya ng pangalan ng mga tiwaling politikong pinatalsik niya sa puwesto o ikinulong? May nakakatanda pa kaya na noong kanyang termino dumating ang mga investors at bumaba ang mga interest rate, kaya marami ang nakakuha ng disenteng trabaho, nakaluwang sa buhay, at nakapagloan ng pambili ng motor, kotse, o bahay?

Hindi ko ipinapataw ang sisi sa mga Pilipinong nabudol. Para sa akin, ang paghina ng ating mga institusyon, ang pagbabalik ng mga tiwali, at ang ating pagkalimot ay produkto ng matagal, masinsinan, at tuloy-tuloy na disinformation at pagbubura ng ating kasaysayan. Produkto ito ng higit isang dekadang pagkukundisyon, pagsisinungaling, at paninira sa mga sumusubok gawin ang tama. Ito ang dahilan kung bakit may mga lider tayong bagaman nagbubuhos ng lakas at panahon para maglingkod ay napagkakaitan pa rin ng pagkakataong palawakin pa lalo ang saklaw ng kanilang serbisyo-publiko. Ganito ang nakita nating lahat sa resulta ng 2019 Senatorial Elections, at ganito ang nakita natin sa katatapos lang na halalan, lalo na kina VP Leni Robredo at sa kanyang mga kasamahan.

Kaya tuloy pa rin ang laban. Pinatunayan na ni PNoy na posible ang isang gobyernong mahusay, malinis, at tunay na pinaglilikuran ang mga mamamayan. Pinatunayan niya nang malayo ang maaabot natin sa ganitong klase ng gobyerno. At kaakibat ng paggunita sa kanya ang pag-alala sa tungkulin nating igiit ang katotohanan at manindigan para sa tapat at mahusay na pamahalaan. Gaya nga ng sabi ni PNoy noon, di ba: “The Filipino is worth fighting for.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.