Una sa Balita

Isang milyong tambay bigyan ng trabaho

By
0 943

Hinihikayat ni Senador Sonny Angara ang gobyerno na palakasin ang mga programa para mabigyan ng trabaho ang mga tambay sa gitna ng mataas na unemployment rate sa sektor ng kabataan.

“The country’s unemployment challenge is primarily a youth phenomenon. The JobStart Law is the government’s answer to youth unemployment. Ang target ng programang ito ay ang mahigit isang milyong kabataang tambay na walang trabaho at hindi nag-aaral,” saad ni Angara.

Matatandaang si Angara ang sponsor ng JobStart Philippines Act o Republic Act 10869 na naglalayong maisulong ang nationwide implementation ng JobStart Prog­ram kung saan bibigyan nang libreng technical at life skills trai­ning, internships, kasama ang job matching assistance at job referrals ang kabataan.

Batay sa April 2018 Labor Force Survey, nasa 1.1 milyon o mga Pinoy na may edad 15 hanggang 24 ang kabilang sa 2.36 milyon na walang trabaho.

Sa total unemployed, 41% ang nakatapos ng high school, habang 36% ang nakatapos ng kolehiyo.

Batay sa pag-aaral, dalawang taon ang ina­abot bago makakuha ng trabaho ang mga bagong college gra­duate habang ang mga high school graduate ay inaabot ng apat na taon sa paghahanap ng trabaho.

“Sabi ni Gat Jose Rizal, ‘Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.’ Huwag naman sana na­ting hayaan na maging tambay ng bayan ang ating kabataan. Kaila­ngan nila ng kaukulang tulong upang maka­hanap nang maayos at disenteng trabaho para magkaroon sila ng direksiyon sa buhay, at para matulu­ngan ang kanilang pamilya na makaahon sa kahirapan,” diin ni Angara.