Una sa Balita

Isang ma-SINAG na Bagong Taon sa lahat

0 585

By Vince L Soriano

Ang Crossing sa bayan ng Pakil, Laguna ay binago ang disenyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong nakaraang taon. Ayon sa kanila, ito ay upang gawin itong mas ligtas sa mga motorista. Iyon nga lamang at ang layuning ito ng DPWH ay hindi agad natupad sapagkat napakaraming nangyaring aksidente rito dahil sa tatlong kadahilanan. Una, kumplikado ang disenyo nito. Ikalawa, ‘di kasama sa programa ang pailaw dito. Ikatlo, ang karamihan sa aksidente ay dahil sa nakainom ang drayber.

Maraming nagpadala sa inyong lingkod ng mga mensahe lalo na sa social media upang maresolba ang problemang ito na atin din naming pinarating agad sa mga kinauukulan. Isinaayos naman ng DPWH ang mga signage upang mas maging malinaw ang direksiyon na dapat tahakin ng mga moto­rista. Naging epektibo naman ito sapagkat sa pagdaan ng dalawang buwan, nasanay na rin ang mga regular na dumaraan dito. Ang problema na lamang ay yaong mga taga-ibang bayan at lalawigan na napapadaan dito sa u­nang pagkakataon. Sila ang yaong kadalasang naaksidente rito lalo na sa gabi dahil napakadilim din sa nasabing lugar.

Sa pakikipagtalastasan ko sa mga taga-DPWH, naging malinaw na walang mailalaang pondo rito nang biglaan at mahaba pa raw ang prose­song dadaanan upang malagyan ang nasabing lugar ng pailaw. ‘Di rin ako makapaglaan ng pondo ng aking musip­yo sapagkat wala din ito sa inaprubahang Laang Gugulin para sa taong 2018. Gayunpaman, ‘di naman puwedeng hindi umaksiyon ang pamahalaang ba­yan at noong nakaraang Nobyembre 16, 2018, pormal na po nating binuksan ang pailaw na kaloob ng SINAG Party-list. Mula noon, wala nang aksidenteng nangyari sa nasabing lugar maliban na lamang noong gabi ng Disyembre 31 habang ang munisipyo ay naghahanda sa liwasang bayan para sa a­ming taunang ‘Fireworks display’. Isang van ang bumangga sa ‘separator island’ ng crossing. Ang dahilan ay ‘di na dahil sa walang pailaw sa nasabing lugar kundi dahil ang drayber ay nakainom ng alak.

Isang aral ang dapat matutunan ng lahat dito. Ang ating kaligtasan sa mga lansangan ay ‘di lang responsibilidad ng pamahalaan. May responsibilidad din ang lahat ng mga gumagamit ng mga lansangan na sumunod sa batas.
Unang-una na rito na hindi dapat magmaneho kung nakainom na ng mga nakalalasing na alak. Sa lahat ng Pilipino sa buong mundo: Simulan natin ang taong 2019 sa pagiging responsableng mga motorista. Isang Ma-SINAG na Bagong Taon sa ating lahat!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy