Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Isang komunidad para sa kinabukasan

0 86

Sabi nila “it takes a village to raise a child” (kailangan ng tulong ng buong komunidad para magpalaki ng mga bata). Totoo ito lalo na siguro noong mga sinaunang sibilisasyon. Pero dahil sa paglipas ng panahon at pagbabago sa teknolohiya, nag-iba na ang larawan ng isang komunidad. ibang-iba na ang scenario ngayon. Busy na ang lahat, may kanya-kanya na tayong pinagkakaabalahan at nawala na ang dating “sense of community” kung saan kaagapay natin ang ating mga kapitbahay at mga kabarangay sa pangangailangan ng bawat pamilya.

Sa panahon ba ngayon, pwede pa ba nating sabihin na ‘it takes a village to raise a child’?

Nito lang pagbabalik-sesyon ng Senado ay naipasa natin sa final reading ang batas sa parent effectiveness service program. Siguro nagtatanong kayo, ano ba itong batas na ito, Sen Risa? Kailangan ba talaga yan?

Parang nawala ang ‘village’ na kailangan natin para palakihin ang ating mga anak na may tamang timpla ng alaga at pagmamahal. Nawalan din ang mga pamilya ng pagkakaon na magbahagi ng karanasan. Maraming mga magulang ang naramdaman na tayo ay mag-isa at pati ang mga bata ay hindi na rin makahalubilo sa kapwa nila bata.

Dito na papasok ang ating parent effectiveness service program. Sa programang ito ng Department of Social Welfare and Development, mapapalawak ang kaalaman at skills ng mga magulang at tumatayong magulang para magampanan nang mas mabuti ang ating responsibilidad.

Kasali dito ang lahat ng mga nanay, tatay at tagapangalaga ng mga menor de edad. Sa modules, tatalakayin ang roles at responsibilities ng mga magulang, ano ang dynamics ng pamilyang Pilipino, mga pagsubok sa parenting, child development, kalusugan at nutrisyon, at marami pang iba.

Hindi lang ito parang seminar, dahil magsisilbi rin itong support group para sa mga magulang. Ang pagbabahagi ng best practices at experiences sa pagpapalaki ng ating mga anak ay epektibong paraan para matuto sa karanasan ng bawat isa. Napakaimportante rin na may nakakausap tayong mga nanay at tatay dahil mararamdaman ulit natin na hindi tayo nag-iisa at may katulad tayo na dumadaan sa parehong mga pagsubok. At ito sa tingin ko, ang pagbabalik ng sense of community.

Sa tamang impormasyon at kaalaman, mataas ang posibilidad na maiwasan natin ang mga insidente ng pang-aabuso, pagbabaya o pag-abandona. Gayundin, ang mga problema sa pamilya at sa bahay ay mas maayos na mapapangasiwaan.

Kung i-i-institutionalize natin ang isang programa sa parenting education na magsisilbi ring support group para sa mga magulang, magkakaroon ng mas malalim na pang-unawa ang bawat tahanan sa kanilang papel sa paghubog ng mga kabataan na magiging susi sa pagbuo muli ng isang komunidad na huhubog sa susunod na henerasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.