Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Isang hamon kay PNP Chief Danao

0 149

Akala natin patapos na ang eleksiyon ay magiging tahimik na uli ang lahat. Pero hindi pa pala dahil may ilang isyung pumutok bago ang eleksiyon ang kailangang mabigyan ng linaw.

Katulad na lamang ng isang insidente kung saan ay nakaladkad ang ilang opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan ng Bulacan dahil sa umano’y pagpabor sa isang kandidato sa lalawigan.

Ang kontrobersiya rin ang nag-udyok sa ilang opisyal ng pulisya sa Bulacan na manawagan kay bagong talagang PNP officer-in-charge Director Gen. Vicente Danao na imbestigahan ang alegasyon pagkiling ng ilan nitong tauhan sa isang kandidato.

Ayon sa mga source mula sa Bulacan PNP, klaro na vote-buying umano ang ginawa ng isang kandidato para masiguro ang kanyang panalo gamit ang mga unipormadong tauhan ng gobyerno.

Sinasabing ang alegasyong vote-buying din umano ang itinuturong dahilan ng biglaang pagkakasibak sa isang opisyal sa Bulacan bago ang halalan.

Basta sinibak ang opisyal at wala itong kinakaharap ng anumang kaso, pero hindi umalma, anyare?

Kaya nagtataka ang isang mataas na opisyal sa Camp Crame dahil walang kasong isinampa laban sa sinibak na opisyal matapos ang insidente sa isang 4-star hotel sa Quezon City.

Ang sinasabing insidente ay ang pagtitipon-tipon diumano ng mga opisyal ng PNP mula sa Bulacan sa nasabing hotel bago ang halalan na sinasabing patawag ni Bulacan Gov. Daniel Fernando para sa isang conference.

Pero ayun sa ilang impormante, hindi naman naispatan kahit anino ni Gov sa nasabing lugar. Sabagay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Article XXII ng Omnibus Election Code ang ganitong aktibidad na kakasangkutan ng isang kandidato.

Umabot ang eskandalo sa PNP Region 3 headquarters sa Camp Olivas matapos maiulat sa Quezon City Police District (QCPD) ang grabeng pagsisikip ng trapiko sa kahabaan ng Timog Avenue dahil sa naghambalang na mga police patrol car.

Nang alamin ng QC patrol investigation team ang dahilan, nadiskubreng may mga miyembro ng Bulacan Police sa lugar at nagdaraos ng conference isang hotel.

Ito ang nagtulak sa ilang opisyal ng Bulacan na humihiling kay Danao na paimbestigahan ang nangyaring pagtitipon dahil may bali-balita ring kumalat na may namumudmod diumano ng mula P200,000 hanggang P2 milyon sa mga dumalo bilang proteksiyon sa isang kandidato.

Kaya ang tsika ng ilang marites, malaking hamon kay Gen. Danao ang alegasyong ito.Pero higit sa nais mangyari ng ilang opisyal sa lalawigan ng Bulacan ay mahubaran ang pangyayaring ito dahil buong puwersa ng Bulacan PNP ang nakakaladkad.

Tsika pa ng ilang opisyal ng Bulacan-PNP, sagrado aniya ang kanilang boto at wala itong katumbas na salapi. “Sana ay magkaroon ito ng imbestigasyon para mailabas ang katotohanan,” ayon sa mga pulis.

Matatandaang sinibak sa puwesto bilang Provincial Director si Police Col. Rommel Ochave at pinalitan ni Police Col. Charlie Cabradilla nitong Abril 29.

Leave A Reply

Your email address will not be published.