Una sa Balita

Isalba ang kabataan

By
0 273

Nag-iingay na naman ang ilang grupong kontra sa kampanya kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte.

Partikular ito sa isinusulong na random inspection ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Elea­zar sa mga bag, locker sa eskuwelahan ng mga estudyante.

Kesyo magdudulot daw ito ng trauma sa mga bata.

Wala akong nakikitang problema sa suhestiyong ito ng NCRPO na pagsasagawa ng random ins­pection sa mga kagamitan ng mga estudyante.

Dahil unang-una, hindi naman kaila sa lahat na maraming kabataan ang nagagamit ng sindikato ng iligal na droga sa kanilang operasyon.

Kaya sa aking palagay, tamang hakbang ito para maproteksiyunan ang kabataan laban sa iligal na droga partikular sa sindikatong gumagamit sa mga ito na kadalasan dahil sa takot ay hindi makawala.

Kaya ang resulta, pikit mata silang sumusunod sa kagustuhan ng sindikato.

Sa pamamagitan ng suhestiyong ito ni Director Eleazar ay mamo-monitor ng pamunuan ng eskuwelahan ang mga bata.

Maisasalba sila sa posibleng kapahamakan na maaaring idulot ng pagkasangkapan sa kanila ng sindikato sa iligal na droga.

Atin ding napag-alaman na hindi mga kagawad ng pulisya ang magsasagawa ng inspeksiyon sa kagamitan o locker ng mga estudyante, kundi mismong ang mga tauhan ng eskuwelahan.

Saka lamang papasok ang mga awtoridad kapag may hindi na magandang kaganapang natunghayan sa aktibidad ng isang estudyante.

Take note, wala ring pagbubunyag na gagawin ang eskuwelahan, gayundin ang kapulisan sa pagkakakilanlan ng batang makakaladkad sa iligal na droga.

Ang tanging layunin ng NCRPO sa suhestiyong magsagawa ng random inspection sa mga kagamitan at locker ng mga bata ay para matumbok kung sino ang utak ng pagpapakalat ng iligal na droga.

Ganu’n lamang kasimple na hindi na dapat pang minamasama ng mga kritiko ng ‘war on drugs’ ng pamahalaan dahil para rin lang ito sa kaligtasan ng ating kabataan na madalas na pinagsasamantalahan ng sindikato.