Una sa Balita

Isa pang Deputy Ombudsman isusunod kay Carandang

By
0 2,649

Isa pang mataas na opisyal ng Office of the Ombudsman ang posibleng sumunod sa naging kapalaran ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na sinuspende at sinampahan ng kaso ng Malacañang.

Inihayag ito kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque subalit hindi nito pinangalanan ang nasabing opisyal maliban sa pagsasabing ito’y isang Deputy Ombudsman.

Ayon kay Roque, nakarating na sa Office of the President ang reklamo laban sa nasabing opisyal.

Nauna rito ay sinuspende ng Office of the Executive Secretary at ipinagharap ng kaso sa Office of the President si Carandang.

Una nang inihayag ni Roque na ang pagsuspende at pagsasampa ng kaso laban kay Carandang ay dahil sa aniya’y mali at misleading na pagsisiwalat nito hinggil sa diumano’y bank transactions ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamilya nito na itinanggi ng Anti-Money Laundering Council.

Kaugnay nito, nilinaw ni Roque na hindi naman kaagad sibak sa puwesto si Carandang dahil mayroong due process of law na kailangang sundin gaya na lang ng paghahain ng sagot nito sa reklamong ibinabato sa kanya.

Matatandaang sinabi ni Chief Legal Counsel Salvador Panelo na tama lamang si Pangulong Duterte sa pagdisiplina kay Carandang kahit sinalungat ito ng Office of the Ombudsman.