Una sa Balita

Irregular student

0 478

Irregular student o irreg. Sa walong taon kong pag-aaral ng kolehiyo mula 1990s hanggang bukana ng 2000, halos isang taon lang akong matatawag na regular student. Tatlong beses akong nag-shift, sandamukal ang bagsak at dropped subjects. Kaya palagay ko, ako ang pambansang kaklase sa Pamantasang Normal ng Pilipinas sa Maynila.

Dahil irreg, naranasan kong malito sa papasukan, malito sa kung anong subject na ang dapat pag-aralan kung tama naman ang klaseng napasukan.
May mga pagkakataong wala palang klase pero naroon ako. Walang nagsabi sa akin, wala pa kasing text o chat. Nasa labas lang ako ng classroom, bumabalong ang masaganang luha dahil sa hapis ng lumbay at pag-iisa. Ang hirap.

Nu’ng minsan nga, sa isang event sa UP Diliman yata, may nagpa­kilala sa akin. Kaklase ko raw siya sa isang subject at gumawa raw kami noon ng project. Seryoso. Parang sabi niya, “Hoy, Delos Reyes (naka-Hoy talaga, fee­ling close, kahit hindi ko na maalala ni sa guniguni ko ang pileges at tabas ng mukha), hindi mo na ba ako matandaan, kaklase mo ako sa subject na Quantum Physics.” Basta hindi ko na matandaan ang mukha. Kasi — huwag sanang mabasa ito ng asawa ko — ang natatandaan ko lang ay ang mga crush ko sa bawat section na pinasukan ko.

Ehem. Crush. Crush is paghanga lang naman. Ni hindi ko nga ipinahalatang crush ko sila. Basta parang may mga kaklase ako sa bawat section na tinitingnan ko lagi lalo na kapag tinitingnan na ako ng mga kaklase at propesor ko dahil nahahabag sila sa katangahan ko.

Nakatingin ang marami sa akin, iyong tinging punong-puno ng awa. Kasi naman, hindi ko alam na magre-report na ako ng tungkol sa Gui­dance and Counselling samantalang ang alam kong pinasukan ko ay Engish 4. O kaya E­thics pero Measurement and Evaluation ang dapat kong pag-aralan.

Maraming ganyan. Teka, naiiyak na naman ako.
Noong panahong walang smartphone, binabalikan ko ngayon kung paano ko naisalansan ang mga pangkatang proyekto, ang mga takdang gawain, ang mga pagsasanay kahit pa irreg ako at kailangang hanaping isa-isa ang mga kagrupo dahil paniniwala ko, hindi ako hahanapin ng mga kagrupo ko para bigyan nila ako ng update. Ako dapat ang maghanap at lumapat sa itinakda nilang schedule.

Pero paano nga ba panghahawakan ang sinabi kahit pa ilang linggo pa ang lilipas bago maganap ang nakaiskedyul na gagawin? Sabado, dala­wang linggo mula ngayon. Alas-onse hanggang alas-dose, sa ganitong tagpuan.

Wala nang follow-up. Dumating o maiwan. At madalas, dumarating ako. Lalo kung kagrupo ko ang crush ko. Muli, crush is paghanga lang.

Hindi katulad nga­yon na bawat minuto ay may text o chat: ‘Wer n u?’ na sasagutin ng ‘OTW na.’ Na ang totoo ay kagigising pa lang, magsesepilyo pa lang. Iba ito, siguro, kung crush ang katagpo. Mabilis pa sa alas-kuwatro. Kaya natuto akong magplano. Kahit wala akong sosyal na planner taon-taon na makukuha nang libre basta marami kang nainom na kape.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy