Una sa Balita

‘IRA relevance’

0 261

Malaki ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pag-unlad ng buong bansa. Ang pagsulong ng mga lokal na komunidad na kapag pinagsama-sama ay katumbas rin ng pagsulong ng Pilipinas.

Upang masiguro na patuloy ang progreso ng mga LGU (local government unit) at nakahanay ang kanilang mga adhikain sa sentral na pamahalaan, mahalagang magkaroon sila ng makatarungan at sapat na pondo sa pamamagitan ng Internal Re­venue Allotment (IRA).

Ang IRA ay malinaw na nakapaloob sa artikulo 10, seksyon 10 ng Saligang Batas ng 1987 kung saan nakasaad na:

“Local governments shall be entitled to an equitable share in the proceeds of the utilization and development of the national wealth within their respective areas, in the manner provided by law, including sharing the same with the inhabitants by way of direct benefits.” Ipinapahayag din ng mga seksyon 284 at 285 ng RA 7160 o ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991 na ilalaan ang IRA sa mga lokal na pamahalaan gamit ang pormula na nakasaad dito.

Sa pagkakaroon ng maayos na IRA, nagkakaroon ng kakayahan ang mga lokal na pamahalaan na maisagawa ang kanilang mga development initiative. Bukod dito, nagkakaroon din ng mas malalim na kahulugan ang lokal na awtonomiya.

Related Posts

Mas tumataas din ang potensyal ng mga komunidad na umunlad kapag tumatanggap ng mas malaking IRA ang mga lokal na pamahalaan dahil mas malaking badyet na magagamit upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Para sa mga lokal na pamahalaang nananatiling nakadepende sa kanilang IRA upang maipatupad ang kanilang mga programa, ang pagkakaroon ng mas malaking IRA ay nagbibigay ng mas mataas na kakayahang tumugon sa mga pangangailangan ng mamamayan.

Nagkakaroon din sila ng oportunidad na palakasin ang kanilang pinansyal na kapasidad at kapag tumagal, ang kanilang financial independence at autonomy.

Kasabay ng planong paglipat natin sa federal form na pamahalaan, inaasahang magkakaroon ng kaukulang pagtaas sa IRA ang mga lokal na pamahalaan dahil kailangan ito para sa mataas na administratibong awtonomiya.

Sa pag-antay din natin sa pagpapahayag ng ikaapat na Charter change at ng pedera­lismo bilang susi sa pambansang pag-unlad, iisa ang ating layunin na isulong ang mga lokal na komunidad.