Una sa Balita

Ipis-higad nina Jhong, Karylle sa ‘Showtime’ pang-international Ryan palaging talunan

By
0 585

Awang-awa kami kay Ryan Bang, dahil paulit-ulit na lang siyang natatalo sa Magpasikat ng It’s Showtime. Na kahit sino yata ang maka-tandem niya, ang ending pa rin, luhaan.

At sa Magpasikat nga last Saturday, muli ay umasam si Ryan Bang na mananalo naman sila ni Vhong Navarro, na kahit third place raw ay okey na sa kanya. Pero ‘yun na nga, talunan na naman si Ryan.

‘Di ba nga, may feeling si Ryan na baka isipin ng mga kasamahan niya na malas siya, dahil lagi siyang talo. Kaya kitang-kita nu’ng Sabado ang sobrang lungkot sa kanyang mukha nu’ng matalo ulit ang grupo niya.

Well, mas pinalakas ang muling pagsasama ng team nina Karylle at Jhong Hilario dahil mula sa pagiging­ third place noong 2017, itinanghal sila bilang ang Magpasikat 2018 champion sa “It’s Showtime” para sa kanilang orihinal na musical tungkol sa mga insekto at pagtanggap sa pagkakaiba-iba ng isa’t isa.

Isinalaysay ng musical ang kwento tungkol sa anak ng isang ipis at higad (Jhong) na piniling magpakatotoo sa sarili. Sa pamamagitan ng musika at rainbow flags, ibinahagi ng musical ang positibong mensahe ng pagmamahal at pagtanggap sa pagkakaiba ng lahat bilang pagsuporta sa LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, and queer) community.

Ayon sa mga huradong­ sina Ronnie at Mariz Ricketts, komedyan­teng si Empoy Marquez,­ aktor na si PJ Abellana, politikong si Shalani Soledad, at mamamahayag na si Gus Abelgas, kakaiba at pang-international ang naturang musical lalo pa’t kumpleto ito sa drama, katatawanan, at mga orihinal na awitin.

Bilang champion, wagi ng P300,000 para sa kanilang napiling charity ang buong team, na kinabibilangan din nina Hashtags Ronnie, Jimboy, at Rayt, at GirlTrends Chienna at Jessica.

Panalo naman sa second place ang team nina Vice Ganda at Amy Perez para sa makulay na performance tungkol sa pag-abot ng pangarap na itinampok ang trampoline dance act at pagkanta sa ulan. Nagwagi sila ng P200,000 para sa kanilang charity.

Nasungkit naman nina Anne Curtis at Mariel Rodriguez-Padilla para sa buwis-buhay nilang “The Greatest­ Showman”-inspired performance at nakakuha ng P100,000 para sa kanilang charity.

Nakatanggap naman ng parehong P50,000 bilang consolation prize ang teams nina Jugs Jugueta at Teddy Corpuz, at Vhong Navarro at Ryan Bang.