Una sa Balita

Ipaubaya muna sa Ehekutibo

0 588

Mainit na isyu ngayon ang insidente ng pangongotong ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Filipino sa Scarborough Shoal na bahagi ng Pilipinas sa South China Sea.

Piyesta ang mga kritiko ng administrasyong Duterte, nagkaroon ng dahilan para ipamukha sa gobyerno na mayroon talagang nagaganap na ‘harassment’ sa mga ma­ngingisdang Filipino sa West Philippine Sea.

Ang mga politiko na may ambisyon sa nalalapit na eleksiyon ay siguradong makikisawsaw para makakakuha nang libreng ‘publicity’.

Ang pahayag ni Ac­ting Chief Justice Antonio Carpio na muling maghain ang Pilipinas ng ‘Arbitration Case’ sa International Court laban sa China ay huwag sanang magamit bilang ‘publi­city gimmick’ makaiskor lamang ng ‘pogi points’.

***

Hindi tayo makiki­pagtalo sa mga paham at mga eksperto na nagpapanukalang magharap muli ng Arbitration Case sa International Court laban sa China kaugnay sa pinakahuling insidente. Tama ito, kung nagawa na ang lahat ng opsiyon.

Sa ngayon, dapat ipaubaya muna ni CJ Carpio sa Ehekutibo ang problema sa South China Sea. Tutukan muna ang Korte Suprema, na nagsisimula pa lang makabawi mula sa kontrobersyang kinaharap. Asikasuhin ang mga nabinbing kaso.

Ang ‘arbitral case’ ay magastos. Ang kikita lamang dito ay mga ‘international lawyer’. Dolyares ang singil ng mga ito.

***

May nagaganap nga­yong ‘bilateral talk’ sa pagitan ng Manila at Beijing at ang pang-aabusong ginawa ng Chinese Coast Guard ay dapat lamang maisama sa ‘agenda’.

Ang lahat ng usapin ay puwedeng pag-usapan ng lupon na binubuo ng mga diplomatang Filipino at Tsino.

Dapat ipaubaya sa Department of Foreign Affairs ang problema ng South China Sea. Hayaang tumakbo ang proseso.

Ayon nga kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, “hindi dapat balewalain ang insidente. May mga tinatawag na ‘formal diplomatic mechanism’ para matalakay ang mga gusot at sagabal tulad ng pinakahuling insidente sa Scarborough Shoal.”

“Hindi dapat masayang ang mga nakamit sa halos dalawang taon na seryoso at tahimik na pag-uusap.”

***

Mangyayari kaya ang pambubrusko ng Chinese Coast Guard kung may ‘regular’ na presensiya at pagpapatrolya ang Phi­lippine Coast Guard sa Scarborough Shoal?

Nasaan ang mga bagong ‘patrol vessel’ na ipinagmamalaki ng Philippine Coast Guard?

Saan naka-deploy ang mga biniling barko ng Philippine Coast Guard na pinondohan ng P2 bilyon sa ilalim ng tinatawag na Maritime Safety Capabi­lity Project ng gobyerno?

Ang mga barkong ga­ling sa Japan, nagagamit na rin ba ng PCG?

Nagtatanong lang po!