Una sa Balita

Ipakita sa mga abogado na hindi sila ang batas

0 91

Mabigat ang hamon sa kanilang buhay na pinagdaraanan ngayon ng mga magulang ni Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III.

Hindi lang isa, dalawa o tatlo tao ang sangkot sa paghahanap ng hustisya para sa kanilang anak na namatay sa hazing. Isang malaking fraternity ito at hindi lamang mga estudyante at mga pamilya ng mga ito ang kanilang kaharap kundi mayroon pang mga ‘elders’ ng Aegis Juris.

Sinabi nating mabigat dahil mga nag-aaral ng batas ang mga nasasangkot. At ang kanilang mga ‘elders’ ay binubuo rin ng mga abogado. Alam ito ng pamilya ni Atio na pader ang kanilang binabangga sa paghahanap ng katarungan. Alam ng mga magulang ni Atio na malalaking tao, mayaman, at maimpluwensiya ang kanilang babanggain.

Sa simula pa lamang ng pagkamatay ni Atio ay naroroon na ang mga senyales ng pagtatangkang pagtakpan ang kaso. Hindi ito pakiramdam o sapantaha lamang kundi ito’y batay sa ginagawang pag-iimbestiga ng Manila Police District sa kaso ni Atio. Pag-iimbestiga na batay sa mga ebidensyang kanilang nakakalap at patuloy pang kinakalap.

Nag-uumpisa pa lamang ang kaso ni Atio. Wala pa ito sa hukuman. Marami pang maaaring mangyari. Subalit dahil matatag ang pamilya ni Atio na mabigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay ay makakaasa tayo na ito na rin ang maging huling kaso ng brutal na hazing sa ating bansa.

Ipagdasal natin na manaig ang batas. Para maipakita sa mga abogado na hindi sila ang batas.