Una sa Balita

Ipaglaban ang pagtaas ng suweldo ng mga guro

0 304

Ang ating mga teachers ang isa sa pangunahing dahilan sa pag-unlad ng kaisipan at kaalaman ng ating kabataang mag-aaral.

Dahil sa malasakit sa mga mag-aaral maging sa kanilang propesyon, marami sa kanila ay gumagawa ng kani-kaniyang paraan o inobasyon upang maibigay ng higit pa ang mga panga­ngailangan sa edukasyon ng kanilang mga tinuturuan.

Sa kabila ng dami at hindi maubos-ubos na kailangang gawin, hindi nila ito sinusukuan para mapagtagumpayan ang ultimong misyon na matuto ang kanilang klase. Sila ang napakahalagang sangkap upang maipanalo ang isang dekalidad na sistema ng edukasyon sa ating bansa.

Ngunit, tulad ng ibang propesyon, karapatan ng mga guro ang makatanggap ng pantay at patas na kompensasyon sa lahat ng kanilang ginagawa. Dapat lamang na masuklian ng karampatang sahod at benepisyo ang ating mga magigiting na guro.

Isa ito sa patuloy na tinatalakay at pinag-aaralan natin sa Senado.

Noong nakaraang linggo, dumalo tayo sa unang pagdinig ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation sa pamumuno ni Senator Ramon Revilla, Jr., patungkol sa panukala na taasan ang sahod ng mga kawani ng gobyerno at public school teachers.

Sa naging takbo ng a­ming talakayan, nakahanap tayo ng pagkukunan ng pondo na kailangan sa pagtataas ng dalawang salary grades (SG) ng sahod ng mga guro.

Maaari natin itong kunin sa 2019 Gene­ral Appropriations Act (GAA) budget na P95.37 bilyon na pork barrel funds sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nai-veto o hindi pinayagang isabatas ni Pangulong Duterte kamakailan.

Kung mayroong ganitong halaga na maaaring gamitin, bakit hindi natin kunin ang kinakaila­ngang P54 bilyon doon upang mapondohan ang pagtaas ng sahod ng ating mga guro?

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihain po natin ang Senate Bill No. 178 na naglalayong itaas ang suweldo ng mga public school teachers na may ranggong Teacher I, Teacher II at Teacher III, mula Salary Grade (SG) 11, 12 at 13 sa Sa­lary Grade 13, 14 at 15.

Base sa pang-apat na bahagi ng Salary Standardization Law, nakasaad sa panukala na mula P20,754 ay magi­ging P25,232 ang sahod ng mga Teacher I kada buwan, kung saan P4,478 na halaga ang itataas nito. Ang mga Teacher II naman ay makatatanggap ng P27,755 mula sa dating P22,938, o hala­gang P4,817 na pagtaas ng kanilang kinikita. P5,299 naman ang itataas sa suweldo ng mga Teacher III, kung saan mula P25,232 ay magiging P30,531 na ito.

Kung itataas ang suweldo ng mga Teachers I hanggang III, ibig sabihin nito ay 889,700 personnel o 83% ng ating mga guro ang makikinabang nito.

Bukod pa rito, daan ang pagtataas ng sahod ng Teachers I hanggang III upang mapaliit na ang pagitan ng Teacher III at Master Teacher I. Base kasi sa taong 2018, mahigit apat na beses ang itinaas ng pagitan ng sahod ng Master Teacher I at Teacher III na nagkakahalagang P13,861, kung ikukumpara ito sa P3,224 na pagkakaiba noong 2007.

Dahil dito, nagkakaroon ng kawalan ng hindi patas na pagpupuwesto ng ranggo ng Teachers I hanggang III at ng mas matataas na posisyon.

Uulitin natin, malaki ang gampanin ng ating mga guro pagdating sa kaunlaran at progreso ng kabataan at maging ng ating bayan. Umaasa tayo na sa lalong mada­ling panahon, magiging sapat na ang kanilang matatanggap na kita. Asahan po ang mga update sa pagsasabatas ng nasabing panukala sa kolum na ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy