Una sa Balita

Ipagdasal natin ang mga nasa PDEA narco-list

By
0 1,089

Inilabas kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng mga punong barangay at kagawad na umano’y sangkot sa droga. Uma­bot sa 207 ang bilang ng mga barangay official na sinasabing protektor at sangkot sa pagtulak ng bawal na gamot sa bansa.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino umabot sa 90 barangay chairmen at 117 na kagawad ang suspek sa pagpapakalat ng shabu sa kani-kanilang nasasakupan. Nakahanda na daw ang ahensiya na kasuhan ang mga ‘narco-candidates’.

Sa ganang atin, tama at napapanahon ang pagpapalabas ng nasabing ‘narco-list’ ngayong election season upang, katulad ng giit ng PDEA — magsisilbing “impormasyon at babala” sa publiko na huwag nang iboto ang mga may kinalaman sa droga.

Sadyang napakarami, sa totoo lang, ng mga ‘protektor’ ng droga sa kasalukuyan — mga punong barangay na kung hindi sila mismo ay may kamag-anak na lulong sa nasabing bisyo at tumatanggap ng benepisyo sa mga drug sindicate; kaya’t siguradong babaha na naman ng pera sa SK at Barangay Elections ngayong May 14!

Ngayon pa lang, kun­todo tanggi na ang mga kandidato na napasama sa listahan ng PDEA at nagsabing handa silang isumite ang sarili sa drug test. Bukod pa rito, pi­pirma din daw sila sa kasunduan sa DILG na sila’y hindi tatanggap ng suhol sa sinumang drug lord at sisiguraduhing drug-free ang kanilang hurisdiksyon.

Samantala, nagpahayag ng pangamba ang ilan sa mga kandidato na baka gamitin ng mga awtoridad ang listahan para tugisin ang mga suspec­ted ‘drug cuddler’— na ang naturang ‘roster’ ay magsilbing ‘hit-list’ nga. Na­ngako naman ang PDEA na idaraan ang lahat sa lehitimong proseso — legal and transparent.

Siguradong itatago ng mga kandidatong pinaghihinalaan ang nasabing ‘narco-list’ kaya kaila­ngang masampahan na ng kaso ASAP ang mga ito, kung hindi maaring maisapubliko ang lista­han, upang ‘mahubaran’ o makilala na! Kinakaila­ngan ng masusing pagmamasid, partikular sa Bicol region kung saan 70 o pinakamarami ang nasa watch list ng PDEA.

Higit sa lahat, kaila­ngan nating bantayan ang Commission on Elections na ngayon pa lang ay mistulang ipinagtatanggol ang mga nasa ‘narco-list’ sa pagsasabing “kahit sino ay maaring maglabas ng listahan ng mga sangkot sa ilegal na droga.” Alam na alam kasi ng mga sindikato na ang kanilang ‘panalo’ ay nasa COMELEC anuman ang gawin ng Duterte administration.

Kung sa bagay, tama ang hirit ng COMELEC na, at the end of the day, nasa kamay ng mga botante kung sino ang kanilang iluluklok kaya’t wala daw silang kapangyarihan magtanggal sa listahan ng kandidato dahil lang sa narco-list. Siguradong gagawa ng paraan ang mga drug syndicates upang maimpluwesiyan ang nasabing ahensiya lalo’t higit manual ang elections na gagawin!

Wala nga tayong magagawa kung gagamitin na naman ng mga masasama ang kapanyarihan ng pera upang masunod ang kanilang gusto. Wala tayong magagawa kundi magdasal at manalig; na sa huli, magwawagi at magwawagi din ang kabutihan. Ipanalangin na lang po natin ang mga nasa narco-list ng PDEA dahil hindi natin alam kung ano ang kanilang maaring gawin. Sana lang, huwag nang tumakbo! Amen.